Show cause order vs PATAFA board inilabas ng Senado

Senador Christopher “Bong” Go

Ni NOEL ABUEL

Binalaan ni Senador Christopher “Bong” Go ang Philippine Athletics Track and Field Association (PATAFA) na mananagot kung hindi pa rin aayusin ang gusot sa pagitan nito at ni Olympic atlete EJ Obiena.

 Kasabay nito nagpalabas na ng show cause order ang Senate Committee on Sports laban sa PATAFA board of directors upang magpaliwanag bago masampahan ng kasong contempt.

Una nang inihain nina Senate President Vicente Sotto III, Senador Pia Cayetano, Senador Francis Tolentino at Senador Panfilo Lacson ang mosyon na i-contempt ang PATAFA board dahil  sa hindi pagsunod sa desisyon ng Senate Committee on Sports at Senate Committee on Finance noong nakalipas na Pebrero 7, 2022 paglabag sa Section 18 ng Senate Rules of Procedure Governing Inquiries In Aid of Legislation.

“Rest assured that we will appropriately act on the motion to cite PATAFA in contempt for filing an arbitration case despite ongoing mediation proceedings as agreed upon during the Committee Hearing held last February 7 for the parties involved to amicably settle their differences,” sabi ni Go, ang chairman ng Senate Committee on Sports.

Iginiit ni Go na dismayado ito sa sigalot sa pagitan ng PATAFA at ni Obiena na nagresulta sa hindi paglahok ng huli sa mga international competitions.

“Ako po, full support ako sa mga atleta. Pero sana naman po tama na po ‘yung pulitika. Ang ibig sabihin, kung maaari po ay magkaisa kayo para sa ating bansa dahil may mga future competitions pa tayong inaasahan at malaki ang potential po ni Obiena,” apela ng senador.

Magugunitang inirekomenda ng nasabing komite sa Philippine Sports Commission (PSC) na makipagtulungan sa National Sports Associations (NSAs) at Philippine Olympic Committee (POC) sa kaso ng PATAFA at Obiena upang agad maresolba usapin at maiwsan na maulit ang kahalintulad ng pangyayari sa mga susunod na pagkakataon.

“Tapusin n’yo na po ‘yung problema diyan. Alam n’yo naman talaga… sa totoo lang, kung gusto n’yo talagang ayusin kaya ninyong ayusin. Kung mayroong mag-give way sa isa’t isa. Iyon lang po ang pakiusap ko po sa inyo. Magkaisa po kayo, ayusin n’yo po,” panawagan ni Go.

“Kaya nakikiusap ako sa lahat na isantabi na muna ang pansariling interes at resolbahin ang mga hindi pagkakaunawaan alang-alang sa bansang ating nirerepresenta sa bawat laban. Ang akin lang po dito kung maaari hayaan na sa pulitiko ang pulitika. Huwag n’yo na pong ihalo sa sports. Kawawa po ang atleta. Nakikiusap po kami sa inyo, magkaisa na po kayo.  Tapusin n’yo na ang problema diyan,” apela ng senador.

Leave a comment