
Ni NOEL ABUEL
Tinukoy ng Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) na pawang mga pulis ang sangkot sa pagdukot at pagkidnap sa isang e-sabong master agent sa lalawigan ng Laguna.
Sa ikatlong pagdinig ng Senate Public Order and Dangerous Drugs Committee, sinabi ni CIDG Director Eliseo Cruz, na inihahanda na ang kaso laban sa limang aktibong pulis na kabilang sa itinuro at kinilala ng apat na testigo na dumukot sa biktimang si Ricardo Lasco Jr., ng mahigit sa 10 armadong kalalakihan sa tahanan nito sa San Pablo, Laguna noong Agosto 30, 2021.
“Right now, our investigators are now consolidating the sworn statements of our witnesses and other pieces of evidence for the preparation of the filing of appropriate cases against the identified suspects before the Department of Justice (DOJ),” sabi ni Cruz na ibinunyag sa mga senador na walong kaso ang hawak ngayon ng CIDG.
Sinasabing nakilala ang mga dumukot na pulis sa 28 larawan na ipinakita sa mga testigo kung saan positibo ang mga itong itinuro na may kinalaman sa pagdukot kay Lasco.
“At least four witnesses who were present during the incident positively identified suspects responsible for this case. The identified suspects are policemen,” sabi ni Cruz.
Idinagdag pa ng opisyal na ang mga pulis na sangkot ay nakatalaga sa provincial intelligence branch ng Laguna police provincial office na nakabase sa Sta. Cruz, Laguna.
“The witnesses initially identified 5 suspects through the photographs of the suspects presented to them by the CIDG in coordination with the PRO (Police Regional Office) Calabarzon. We are preparing to file an appropriate case before the DOJ and of course we are still gathering more evidence, physical or circumstantial, to support the testimonies of these witnesses,” dagdag ni Cruz.
Sa pagdinig ng komite, hindi napigilan ng mga asawa ni Lasco na si Princess, at ina nitong si Carmelita, ang pagmamakaawa na agad na lutasin at papanagutin ang nasa likod ng nasabing krimen.
“May mga magulang din kayo, may anak din kayo, bakit ganu’n kinuha ninyo ‘yung anak ko! Masakit sa isang ina ang mawalan ng anak,” umiiyak na pahayag ni Gng. Carmelita.
Samantala, inatasan naman ni Senate President Vicente Sotto III sa Senate Sergeant-at-Arms na bigyan ng seguridad ang pamilya ni Lasco.
Si Lasco ay kabilang sa 34 na sabungerong na patuloy na nawawala hanggang sa kasalukuyan.
