
Ni NOEL ABUEL
Umaasa si Senador Grace Poe na magkakaroon na ng wastong sitwasyon sa bansa na magbibigay ng mas maayos at murang mga serbisyo sa pagpasa sa inamiyendahang Public Service Act ng Senado.
Ayon kay Poe, ang may-akda at sponsor ng nasabing panukala, sa pamamagitan ng inamiyendahang Public Service Act ay mamabigyan ang ekonomiya ng bansa ng sapat na sigla para matahak nito ang inklusibong paglago.
“Bilang may-akda at sponsor, umaasa tayong magkakaroon na ng wastong sitwasyon sa bansa na magbibigay ng mas maayos at murang mga serbisyo, at makalilikha ng mas maraming trabahong kinalaunan ay makapagpapaangat sa kalidad ng buhay ng ating mga kababayan,” sabi nito.
Kabilang sa inamiyendahan ang pagluluwag ng mga restriksyon sa dayuhang pamumuhunan sa bansa na inaasahang magpapabilis sa pagbangon mula sa pandemya nang walang napag-iiwanang ni isa mang Pilipino.
“Mahalaga ang ating pagiging mapagmatyag para matiyak na ang mga pag-iingat na inilagay natin sa batas ay mananatiling sagrado. Kasama na rito ang pagbibigay ng awtoridad sa Pangulo na suspendehin o di payagan ang anumang panukalang merger o acquisition sa pangangalaga sa interes ng seguridad ng bansa,” dagdag nito.
Giit ni Poe, matapos ang 85 taon, nagawa ng Senado na mabusising pag-amyenda sa lumang batas.
“Mula rito, inaasahan nating magiging masigasig rin ang mga ahensiya ng ating pamahalaan para ganap na makinabang ang ating mga kababayan,” aniya pa.
