
Ni NERIO AGUAS
Magandang balita para sa mga Filipino English teacher.
Ito ay matapos ilunsad ng Ministry of Education (MOE) sa Taiwan ang Taiwan Foreign English Teacher Program (TFETP) para palawakin ang recruitment sa mga dayuhang English teacher at teaching assistant upang lumikha ng mas maraming oportunidad sa mga estudyanteng Taiwanese na nasa elementarya at sekondaryang paaralan upang matuto ng wikang Ingles.
Sinasabing nais ng Taiwan na gawing Ingles ang kanilang pangalawang wika sa taong 2030.
Para sa 2022, magbubukas ang MOE ng 450 na mga teaching position para sa dayuhang English teacher sa mga pampublikong paaralan upang makapagtatag ng English-speaking environment para sa mga primary at secondary student at upang paghusayin din ang kasanayan sa wikang Ingles ng kanilang lokal English teacher.
Sa ilalim ng programa, magsisimula ang buwanang sahod ng English teacher sa NT$62,720 o katumbas ng P115,122.25 kung saan kasama sa mga benepisyo ang travel subsidy, health insurance at iba pang benepisyo.
Ibabatay ang sahod sa pinakamataas na antas sa edukasyon ng guro at bilang ng taon ng pagtuturo bilang full-time teacher.
Para sa nais na na maging kuwalipikado, ang aplikante ay kailangang bihasa sa pagsasalita ng Ingles at may bachelor’s degree o mas mataas pa, at dapat ay walang criminal record.
Samantala, ang lisensiya o kredensyal sa pagtuturo na inisyu ng pamahalaan ay hindi kailangan.
Maaaring mag-apply online ang interesadong dayuhang guro sa https://tfetp.epa.ntnu.edu.tw. Bukas bilang rolling basis ang 2022 recruitment hanggang Marso 31, 2022.
Batay sa record ng Taiwan National Immigration Agency, mayroong 193 gurong Filipino sa Taiwan nitong Disyembre 31, 2021.
Upang samantalahin ang magandang pagkakataon, binisita ni Labor Attaché Bienvenido A. Cerbo, Jr. ang ilang pampublikong paaralan sa elementarya at sekondarya, gayundin ang mga cram school sa Central Taiwan na naghain ng aplikasyon para kumuha ng English Filipino teacher at hinikayat ang mga principal na kumuha pa sa susunod ng mas maraming Filipino teacher.
