BIR at PAGCOR bigong kolektahin ang buwis sa e-sabong – Sen. Tolentino

Senador Francis Tolentino

Ni NOEL ABUEL

Nabigo ang Bureau of Internal Revenue (BIR) at ang Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) na kuhanin ang 20-percent tax mula sa mga panalo ng online sabong operations.

Ito ang sinabi ni Senador Francis ‘Tol’ N. Tolentino simula nang mag-operate ang virtual cockfighting industry sa bansa noong ikalawang bahagi ng 2020, hindi tulad ng mga nakolekta mula sa iba pang number games tulad ng sweepstakes, horse racing, at lotto.

Dinagdag pa ng senador na ang kinita ng pamahalaan mula sa e-sabong operations ay nanggaling lamang sa regulatory fee na kinokolekta ng PAGCOR mula sa license operators tuwing may sultada o laban.

Sinasabing ang regulatory fee ay katumbas lamang ng P12,500 kada laban o sultada.

“So ang lumalabas ngayon, walang buwis pa na tinatanggap ang pamahalaan buhat sa e-sabong… unlike, pakinggan mo BIR, sweepstakes winnings. Lotto–binabawas agad ‘yun (kapag) nanalo ka, diba? Horse racing, may bawas ‘yun. Sa e-sabong wala pa, bakit ganu’n?” tanong ni Tolentino sa pagdinig ng Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs hinggil sa misteryosong pagkawala ng 34 sabungero.

Sa nasabing pagdinig, ibinulgar ni gambling tycoon Charlie ‘Atong’ Ang na ang kanyang e-sabong firm na Pitmasters Live ay nag-remit sa PAGCOR ng P112.5 milyong halaga para sa regulator fees kada 30-araw sa kabila ng pag-amin nito na kumitakita ito ng humigit-kumulang sa P3 bilyon kada buwan.

Sa ilalim ng National Internal Revenue Code, ang mga legal gambling entities ay dapat na mag-remit sa national government ng malaking bahagi ng kanilang kita.

“We are in a state of disarray by letting go of a big amount that should have gone to the coffers of government and used as ‘ayuda’ for drivers, farmers and fisherfolks,” dagdag pa ni Tolentino.

Ayon naman kay Atty. Sixto Dy Jr., chief-of-staff ng Office of the Deputy Commissioner for Operations ng BIR, ang panalo mula sa e-sabong na mas mataas sa P10,000 ay papatawan ng 20-poriyentong withholding tax.

Leave a comment