Gobyerno pinuri sa pagsagip sa 444 Pinoy seafarers

Ni NOEL ABUEL

Pinasalamatan ng isang kongresista ang administrasyong Duterte sa patuloy nitong pagsisikap na ipatupad ang mga hakbangin na nakasentro sa proteksyon at kaligtasan ng mga Filipino seafarers lalo na ang mga naapektuhan ng giyera sa pagitan ng Russia at Ukraine.

Partikular na pinasalamatan ni Marino party list Rep. Sandro Gonzalez ang Department of Foreign Affairs (DFA); Department of Labor and Employment (DOLE), Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) at ang Philippine Overseas Employment Administration (POEA) dahil sa matagumpay na pagsagip at pagpapauwi sa bansa ng daan-daang Filipino seafarers sakay ng iba’t ibang barko na naiipit sa pagsalakay ng Russia sa Ukraine simula noong nakalipas na buwan ng Pebrero.

Aniya, ang mga ahensyang ito ay naging mahusay sa pagtupad sa kanilang tungkulin at mandato na protektahan ang kapakanan ng mga Filipino na nagtatrabaho sa ibang bansa.

Rep. Sandro Gonzalez

“We commend the hard work and dedication of the people from DFA, DOLE, OWWA and POEA, among other government agencies to ensure always the safety of our people abroad,” ani Gonzalez.

“It is our fervent goal to look after the welfare of our overseas workers especially our seafarers who are considered the best in the world. We gladly express our support to these government agencies for a job well done. We are one in this noble goal!” dagdag pa nito.

Sa datos, nasa 472 seafarers na sakay ng 27 marine vessels na naapektuhan ng Russia-Ukraine crisis, aabot sa kabuuang 444 ang matagumpay na nasagip at nakauwi ng Pilipinas.

Mula sa kabuuang 181 land-based Filipino na nagtatrabaho at nakatira sa Ukraine, 178 ang nailikas noong Marso 12.

Ipinagkaloob ng pamahalaan ang tulong sa mga apektadong overseas Filipino workers (OFWs) kabilang ang transportasyon sa pamamagitan ng mga chartered flights at chartered land transport; pagkain, quarantine facilities; psychosocial counselling at stress debriefing; cash assistance na P10,000 bawat OFW, livelihood assistance na P20,000 at educational assistance na P20,000.  

Leave a comment