Ill-gotten Marcos jewelry, paintings ibebenta ni Isko

NI NOEL ABUEL

Para kay Aksyon Demokratiko standard bearer Isko Moreno Domagoso, kung papalarin itong manalo sa darating na eleksyon ay ibebenta nito ang mga ill-gotten jewelry collection at paintings na nakumpiska sa pamilya Marcos bilang kabayaran sa P203 bilyong estate tax liabilities na pagkakautang nito sa pamahalaan.

Ginawa ni Moreno ang pahayag  nang tanungin kung anong kasiguruhan ang maibibigay nito sa mamamayang Filipino na matutupad ang pangakong kokolektahin ang P203 bilyon estate tax liabilities na dekada nang tinatakasan ng pamilya Marcos.

“Maaari siyang ipatupad, and we guarantee you, maipapatupad ‘yon dahil ‘yun po ay batas. What matters most ay makokolekta ‘yon, dahil marami pa naman silang pag-aari na maaari naman nating makuhanan at mapunan ‘yung para sa estado,” sabi ni Moreno.

“Kung maaalala ninyo, may mga diyamante, mga assets na nakuha sa kanila. Natutulog po sa Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP). Picasso USD 200 million sa mundo ‘yan, mahal na mahal ‘yung mga paintings, Monet, na nakolekta na ng gobyerno. Ito tangan-tangan natin, pwede naman nating isalba o ibenta na kasi there is no use of that na sa buhay ng tao kung nandid’yan lang ‘yan sa vault ng ating gobyerno,” paliwanag pa ni Moreno.

Base sa isinumiteng ulat ng Christie’s and Sotheby’s noong Nobyembre 2015, ang malaking ill-gotten jewelry collection na nakumpiska sa pamilya Marcos at nakatago sa vault ng  BSP ng halos tatlong dekada na at nagkakahalaga na ng nasa P1 bilyon.

Kabilang aniya sa koleksyon ang diamonds studded tiaras, necklaces, brooches, earrings, belts, at iba pang hiyas gayundin ang mga mamahaling relos tulad ng Patek Philippe, Rolex, at Cartier.

Ang ilang piraso rin aniya ay mula sa kilalang tao na gumagawa ng alakas tulad ng Bulgari, Van Cleef and Arpels, at Bucellatti.

Kabilang sa pinakatanyag umano ang 25-carat pink diamond, na ikonokonsiderang napakabihirang alahas.

Samantala, ang ilan pang paintings na nakumpiska ng pamahalaan ang tatlong “Madonna and Child” paintings ni Michelangelo; “Femme Au Chapeau,” “Paysage,” “Jeune Femme En Rouge,” “Coupe De Fleurs,” five “Vase De Fleurs,” “Panier De Fleurs” at “Jeune Femme Shabilant” ni Paule Gobillard; at ang Picasso replica brass strokes. 

Maliban pa dito, daan-daan din ang nawawalang artworks na binili ng mga Marcos sa kanilang dalawang dekada na paghahari ay hindi pa rin nababawi kabilang ang mahalagang paintings na ginawa ng iconic artists na si Van Gogh, Picasso, Monet, Pierre Bonnard, at Michelangelo na kasama sa nawawalang artworks.

Ayon kay Moreno ang mga Marcos ay nag-ipon ng art collection na kayang tumbasan ang national gallery ng isang bansa.

Magugunitang sumulat na si Aksyon Demokratiko Chairman Ernesto Ramel Jr. sa Bureau of Internal Revenue (BIR) at sa Presidential Commission on Good Government (PCGG) na umaming pilit na kinokoleta ng mga ito ang hindi nabayaran estate tax ng ma Marcos na umabot sa P23 bilyon noong 1997 at umabot na ito sa P203 bilyon dahil sa interests at penalties sa loob ng 20-taon.

Umapela naman si Lito Banayo, ang campaign strategist ni Isko kay Department of Finance (DOF) Sec. Carlos Dominguez na atasan ang BIR na kolektahin ang P203B utang ng mga Marcos para magamit na pang-ayuda sa mga manggagawa.

“The P203 billion can go a long way in giving cash assistance to some 4.2 million workers who lost their jobs due to the pandemic. That would translate into P48,833.33 ayuda for each of the 4.2 million workers and which will be equivalent to a 4,000 monthly ayuda for each worker for 12 months,” sabi pa ni Banayo.

Pinuna rin ni Ramel ang pahayag ni Bongbong Marcos Jr. na pawang “fake news” at bahagi lang ng negative campaigning ang pagkakautang ng pamilya Marcos.

“Hindi po paninira at negatibong kampanya ang magsabi ng katotohanan. Nagsalita na po ang Korte Suprema at naghatol na ito ay pinal na. Nagsalita na po kamakailan ang PCGG at BIR bilang tugon sa aming liham at pinasinungalingan ng mga ito ang mga pahayag ni Atty. Vic Rodriguez, isa mga mamahaling abogado at tagapagsalita ni Marcos Jr.,” sabi ni Ramel.

Leave a comment