
Ni NERIO AGUAS
Nakapagtala ang Bureau of Immigration (BI) ng mahigit na 133,000 foreign nationals ang sumailalim sa annual report na isinagawa mula Enero hanggang Marso 1.
Sa report na tinanggap ni Immigration Commissioner Jaime Morente kay BI alien registration chief Atty. Jose Carlitos Licas, nasa kabuuang 133,557 dayuhan ang lumahok sa 2022 annual report.
Ayon kay Morente, ang taunang pagre-report ng mga dayuhang nasa bansa ay isinasagawa sa unang 60 calendar days kada taon na nasasaad sa probisyon ng Alien Registration Act of 1950.
Ang mga dayuhang may hawak na valid immigrant at non-immigrant visa na inilabas ng BI ay kailangang mag-report kada buwan sa ahensya.
Paliwanag pa ni Licas, mas mataas ng bahagya ang bilang ng mga dayuhang nagpatala sa annual report ngayong taon kung ikukumpara sa 130,148 aliens na nakapagtala noongg 2021.
Sinabi pa ng opisyal na inasahan naman ang pagbaba ng bilang ng mga dayuhang sumailalim sa annual report dahil na rin sa epekto ng Covid-19 at dahil din sa pandemya ay nagpatupad ang BI ng appointment system.
Base sa statistics, nanguna pa rin ang mga Chinese nationals na nasa 63,659, na sinundan naman ng Indians sa 17,728 at 7,780 Americans.
Kasama rin sa top 10 list ang mga Taiwanese, 6,653; 4991 South Koreans; 4,464 Vietnamese; 3,725 Japanese; 2,929 Indonesians; 2,705 Britons; at Malaysians na nasa 2,103.
“The implementation of the online appointment system allowed us to process the annual report and still ensure strict social distancing in our offices. We believe that as we enter the new normal, the number of foreign nationals in the Philippines will once again increase,” sabi ni Morente.
