
Ni NOEL ABUEL
Nanawagan si Senador Win Gatchalian sa Department of Energy (DOE) at sa Department of Trade and Industry (DTI) na ipatupad sa lalong madaling panahon ang batas na maglalatag ng regulasyon sa industriya ng domestic liquified petroleum gas (LPG) upang matiyak ang proteksyon ng konsyumer laban sa mga tiwaling negosyante.
Ang panawagan ng re-electionist na senador ay kasabay ng Fire Prevention Month na nagpapaalala ng agarang pagpapatupad ng RA 11592 o ang LPG Industry Regulation Act.
Siniguro nito na maalis sa merkado ang mga depektibong tangke ng LPG upang maiwasan ang mga insidente ng sunog na may kinalaman sa LPG at maipatupad ang cylinder exchange and swapping program kung saan pinapayagan ang mga konsyumer na bumili ng anumang gusto nilang brand ng LPG kahit na ibang brand ang dala nilang tangke.
“Limang buwan na ang nakalipas mula nang lagdaan ang LPG Act ngunit wala pa tayong naririnig tungkol sa implementing rules and regulations (IRR) nitong batas,” ani Gatchalian, ang principal author at sponsor ng nasabing batas.
Sa datos ng Bureau of Fire Protection (BFP) noong nakaraang taon, may kabuuang 787 na mga insidente ng sunog na sanhi ng LPG at anim dito ay dulot ng mga depektibong tangke. Ang pinakahuling insidente ay naganap noong Pebrero 20 sa Sta. Cruz, Manila na kumitil sa buhay ng apat na katao.
“Kung masisiguro natin na maayos at hindi depektibo o peke ang mga tangke ng LPG sa merkado, makakampante tayo na mababawasan o maiiwasan ang mga insidente ng mga pagsabog o pagliyab na nagiging sanhi ng sunog at pagkasawi ng ilan,” sabi ni Gatchalian.
Sa ilalim ng batas, kailangang magsagawa ang DOE at DTI ng konsultasyon sa mga kinauukulang ahensya ng gobyerno at mga stakeholders, kabilang ang mga consumer groups, at mailatag ang IRR sa loob ng 60 na araw magmula noong maging ganap itong batas.
Ngunit ang IRR para sa LPG Cylinder Exchange and Swapping Program at LPG Cylinder Improvement Program ng naturang batas ay dapat maitatag sa loob ng anim na buwan mula noong mapirmahan ang RA 11592.
Ang LPG Cylinder Exchange and Swapping Program ay nagpapahintulot sa mga konsyumer na makabili sa anumang retail outlet ng kanilang gustong brand ng LPG gamit ang anumang lumang tangke samantalang ang LPG Cylinder Improvement Program ay magtitiyak ng kalidad ng lahat ng LPG cylinders sa merkado upang maprotektahan ang mga mamimili.
