PSA sagot sa pagbangon ng ekonomiya ng bansa – Sen. Go

Senador Christopher “Bong” Go

NI NOEL ABUEL

Tiwala si Senador Christopher “Bong” Go na ang batas na nag-aamiyenda sa Public Service Act na nilagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte ay makatutulong sa pagpapalakas ng ekonomiya ng bansa kasabay ng pagbangon sa epekto ng COVID-19  pandemic.

Sinabi ni  Go na ang Republic Act no. 11659 ay nagtataguyod ng malusog na kompetisyon sa iba’t ibang industriya na maaaring magbigay daan para sa mas paborableng presyo at kalidad ng serbisyo para sa mga Filipino.

“Mas maraming mamumuhunan, mas maraming pagtatrabahuhan at kabuhayan para sa mga Pilipino. Mas liliit ang bilang ng mga naghihirap at nagugutom na mga pamilya,” sabi ni Go.

Dagdag pa  ng senador, masusing pinag-aralan aniya ng Kongreso ang nasabing panukala partikular na ang mga area of concerns gaya ng national security.

Aniya, may sapat na pananggalang ang panukala upang maprotektahan ang bansa mula sa anumang uri ng banta.

“Napag-aralan naman ng Kongreso ang posibleng implications nito lalo na sa national security at iba pang areas of potential concern. Masusi pong pinag-usapan sa komite at sa plenaryo ang mga provisions ng batas upang malagyan ng sapat na safeguards sa pagpapatupad nito,” pagtitiyak ni Go.

Sinabi pa  nito na kumpiyansa ito na sa paglagda ng batas ay mananatiling ang interes ng taumbayan ang uunahin at ipaprayoridad.

 “Tiwala rin ako na sa paglagda ni Pangulong Duterte sa batas na ito, kapakanan at interes ng mga mamamayang Pilipino ang pangunahing konsiderasyon niya,” sabi nito.

Nakasaad sa panukala, ang mga riles, paliparan, expressways, telecommunications, at shipping ay itatalagang mga pampublikong serbisyo at papayagan nito ang 100 porsiyentong dayuhang pagmamay-ari sa mga nasabing sektor.

 “Napapanahon na rin naman ang pag-amyenda sa 85 taong gulang na batas na ito upang maging akma ito sa mga bagong hamon ng panahon, lalo na ngayong sinisikap nating makabangon mula sa kasalukuyang pandemya,” paliwanag pa ni Go.

Leave a comment