BBM pinayuhan ni Pangulong Duterte — Sen. Go

Senador Christopher “Bong” Go

Ni NOEL ABUEL

Kinumpirma ni Senador Christopher “Bong” Go na naging masinsinan ang pagpupulong nina Pangulong Rodrigo Duterte at presidential aspirant Bongbong Marcos kasunod ng pag-endorso ng PDP-Laban sa kandidatura ng dating senador.

Sinabi ni Go na naging maganda ang usapan nina Duterte at Marcos kung saan kabilang sa napag-usapan ay ibinahagi ng Pangulo ang kanyang karanasan at pinayuhan ang dating senador kung magiging pangulo ng bansa.

“Maganda naman po ang resulta ng meeting. Medyo matagal-tagal nga ‘yon at talagang ganado ‘yung Pangulo na magkuwento. I think about 80% ng discussion ay more on si Presidente po ang nagsasalita,” sabi ng senador.

“And he shared his experience po… as president sa mga nakaraan. Ito, nagbigay siya ng mga kaunting payo, mga ginawa niya para sa ating bayan ay sana po’y ipagpatuloy ng kung sino man po ‘yong magiging susunod na Pangulo,” dagdag nito.

Binanggit din Go na ang pagpupulong ay isa sa mga naging dahilan ng pag-endoso ng PDP-Laban. “Malamang ‘yon po ang naging isa sa naging dahilan, pero dumaan po ‘yon sa konsultasyon at proseso.  It’s a party decision po. So, ibig sabihin dumaan sa proseso, pinag-usapan, nagkonsultasyon sa iba’t ibang miyembro ng PDP at majority ang nakapag-decide kung sino po ‘yung ina-adopt at susuportahan. So, it’s a party decision po,” aniya pa.

Leave a comment