Pamamahagi ng 10K ayuda hindi kailangang ‘one-time, big-time’ — Cayetano

Rep. Alan Peter Cayetano

Ni NOEL ABUEL

Iginiit ni dating House Speaker Alan Peter na bagama’t kayang makalikom ng pamahalaan ng P250 bilyon para sa panukalang 10K Ayuda sa bawat pamilyang Pilipino, hindi kailangang maging ‘one-time, big-time’ ang pamamahagi nito.

“Sa P250 billion, meron kang two options. One option, bigay mo na ‘yung P10,000 kada pamilya, isang bigayan. The second option is, ibigay mo na ‘yung P5,000 [sa bawat household], at itabi mo ‘yung P150 bilyon para sa susunod na administrasyon para kung magka-COVID or tumaas ang presyo ng gasolina, tumagal ‘yung Ukraine-Russia conflict, meron tayong magagamit,” sabi ng senatorial bet.

Nauna nang sinabi ni Cayetano na maaaring makalikom ang pamahalaan ng P250 bilyon na pondo sa pamamagitan ng pagpataw ng five-percent savings sa budget ng bawat ahensya para sa taong 2022.

Binigyan-diin ni Cayetano na hindi “helpless” ang pamahalaan sa pamamahagi nito ng mas malawakang ayuda para sa pamilyang apektado ng patuloy na pagtaas ng presyo ng gasolina at mga pangunahing bilihin.

“Hindi totoo na we’re helpless. Mahirap humanap ng pera, pero meron tayong mahahanap. Dapat mag-utos ang President Rodrigo Duterte ng five-percent savings,” wika ni Cayetano.

“With a five-percent mandatory savings rate, not only can you better help more people now, you will also enable kung sino man ang susunod na administrasyon,” wika niya pa.

Sinabi pa ng beteranong mambabatas na kung aatasan ni Pangulong Duterte ang lahat ng ahensya na magtabi ng five-percent savings mula sa kanilang budget para sa taong 2022, kakayanin ng pamahalaan na mamahagi ng P10,000 ayuda sa hindi bababa sa 20 milyong pamilyang Pilipino.

“Kasi ang kailangan mo lang para mabigyan mo ang lahat [ng pamilyang Pilipino] hanggang middle class is between P180 to P200 billion,” ani Cayetano.

Sabi ni Cayetano, isa itong “counter-proposal” sa panukalang ayuda ni Finance Secretary Dominguez III noong nakaraang linggo na inaprubahan ng Pangulo. Sa ilalim ng panukalang programa ni Dominguez, mabibigyan ang 50 percent ng mga Filipino household ng P200 kada buwan para ma-offset ang mga dagdag na gastos na dala ng pagtaas ng presyo ng gasolina at pagkain dahil sa kasalukuyang tunggalian sa Europa.

“Maganda ang intention niyan ni [Finance] Secretary Sonny [Dominguez], at talagang naghahanap siya ng pondo. Idol ko po ‘yan sa gobyerno. Having said that, kung pagbibigyan niya ako mag-propose, si President (Fidel) Ramos noon, 10-percent savings lahat ng ahensya ng gobyerno; ako ang pino-propose ko, five percent lang,” sabi nito.

Nitong linggo, nagdesisyon ang Pangulo na dagdagan o itaas ang ayuda mula P200 hanggang P500.

“I said look for money, it’s too small, it cannot sustain a family of three, even four, five, (the poor) have the most children, they are the productive Filipinos for tomorrow, not now,” sabi ni Duterte.

Ang panukalang 5-percent savings ni Cayetano ay hango sa programa ni dating Pangulong FRamos para bawasan ang budget deficit noong 1990s kung san ipinag-utos nito sa lahat ng ahensya ang pagtatanggal ng budget sa mga non-essential service at pag-streamline sa kani-kanilang mga budget.

Nagpataw rin si Ramos ng 10-percent na bawas sa mga ahensyang hindi nagsumite ng mga kinakailangang ulat sa budget.

Ang hakbang na ito ay nagbigay-daan sa pamahalaan para makabawi sa mga taon ng budget deficit at gawing surplus sa budget sa kabila ng mga epekto ng Asian Financial Crisis noong 1997 at 1998.

Sinabi ni Cayetano na dahil marami pang mga tungkulin ang pamahalaan na hindi pa nakakabalik sa normal, maaari pa ring suriin ng mga ahensya nito ang kanilang mga budget at maghanap ng mga bagay na maaari nilang laktawan at i-convert sa savings.

“Sa five percent, P250 billion ang matitipid mo, and tutal Marso pa lang naman ngayon, one-fourth pa lang ng taon, so napakalaking pondo pa ang meron sa P5 trillion budget natin,” sabi pa ni Cayetano.

Leave a comment