Tulong pinansyal para sa micro-enterprises sa gitna ng oil price hike kailangan – Rep. Lani Cayetano

Ni NOEL ABUEL

Umapela si Taguig City 2nd District Rep. Lani Cayetano sa national government at lokal na pamahalaan na magbigay ng tulong pinansyal sa mga micro-entrepreneurs sa gitna ng pagtaas ng presyo ng mga  pangunahing pangangailangan dulot ng pagtaas ng presyo ng langis.

Sinabi ni Cayetano na ang subsidiya sa langis ay dapat sabayan ng pinansyal na suporta para sa mga maliliit na negosyo lalo na at ang bansa ay dahan-dahang pa lamang nakakabawi.

“Hindi pa po tayo nakakaraos. Nasa proseso pa lang po tayo ng pagbangon, heto na naman ang napakalaking problema sa pagtaas ng presyo ng langis at pagtaas ng presyo ng bilihin,” sabi ni Cayetano.

Ayon sa mambabatas, kailangang pangunahan ng gobyerno ang pagbibigay ng ganitong klaseng suporta lalo na at bawal magbigay ng cash aid ang mga pulitiko alinsunod sa regulasyon ng Commission on Elections (Comelec).

“Ang gobyerno, lalo na ang mga departamento, ay mayroong kapangyarihang tulungan ang ating mga micro-entrepreneurs. So sana, mula po sa nasyonal hanggang sa lokal, tuloy po ang pagtulong sa mga micro-entrepreneurs natin kasi ang dami pa hong nawalan ng trabaho,” apela pa ni Cayetano.

Sinabi rin nito na ito ang dahilan kung bakit hindi sumuko ang kanyang asawang si dating House Speaker Alan Peter Cayetano sa pagsusulong ng 10K Ayuda Bill sa Kongreso.

Ipinangako rin ni Cayetano, na tatakbo muli bilang alkalde ng Taguig City, na sisiguraduhin nitong mayroong mga programang pro-women at skills training and livelihood opportunities ang mga kababaihan ng Taguig.

“Hindi lamang po nalilimitahan sa loob ng tahanan ang kakayahan ng babae. Hindi lang po pagiging mabuting asawa at mapagkalingang nanay ang pwedeng gawin ng mga babae…’yung mga talents na binigay sa atin ng Panginoon, kaya rin natin na gamitin to serve our communities,” pahayag ni Cayetano ngayong International Women’s Month.

“Sana po ang talentong binigay sa atin ay gamitin ng mga kababaihan na ipakita ang talento sa field po ng music and the arts – madami po tayong mga tanyag na musicians at mga artists na mga kababaihan,” dagdag nito.

Sinabi ni Cayetano na ang mga talento ng kababaihan ay makikita sa lahat ng larangan, kabilang ang sports, gobyerno, at sa NGOs.

Leave a comment