
Ni NOEL ABUEL
Dapat madaliin ng Securities and Exchange Commission (SEC) ang pagtatatag ng tanggapang tututok sa regulasyon at subaybay sa mga financing at lending firms upang agarang matugunan ang mga reklamo laban sa mga mapang-abuso at tiwaling gawain ng mga kumpanyang nag-aalok ng mga pautang.
Ito ang iginiit ni Senador Win Gatchalian kung saan ang pagsisikap ng SEC na magtayo ng bago nitong opisina ay kasabay ng inaasahang pagsasabatas ng panukalang Financial Products and Services Consumer Protection Act, na layong protektahan ang mga konsyumer laban sa mga hindi makatarungang paraan ng paniningil ng mga collection agencies.
Mismong si Gatchalian ay makapagpapatunay sa lawak at sa dami ng nagrereklamo sa iba’t ibang online lending companies at lending apps dahil ang opisina nito ay nagmistulang sumbungan ng mga biktima at umabot sa higit sa 20,000 ang reklamong idinulog sa kanya noong nakaraang taon na may kinalaman sa pagbabanta, pananakot, panghihiya at iba pang hindi makatarungan at mapang-abusong mga gawi sa pangongolekta ng utang.
“Nakarating sa aking kaalaman na may mga biktima ng mga online lending companies na nagawa pang magpatiwakal dala ng kahihiyan at matinding mental stress dulot ng pananakot sa kanilang buhay dahil sa kanilang lumolobong utang. Karamihan sa kanila ay kumapit sa patalim at nangutang sa mga kumpanyang ito sa gitna ng pandemya sa oob ng nakaraang dalawang taon,” sabi ni Gatchalian.
“Ang mga insidenteng ito ay malinaw na nangangailangan ng legislative intervention dahil ang mga umiiral na batas ay hindi sapat sa pagbibigay ng hustisya o agarang mga paraan para matugunan ang mga idinudulog ng mga konsyumer,” dagdag pa niya.
Bukod sa parusang administratibo, ang sinumang lalabag sa naturang panukalang batas ay pagmumultahin ng P50,000 hanggang P2 milyon at ipakukulong ng hindi bababa sa isang taon at hindi hihigit sa limang taon.
Sa kasalukuyan, nasa P25,000 hanggang P1 milyon lamang ang kasalukuyang ipinapataw na parusa laban sa mga financing o lending company sakaling napatunayang nakagawa ang mga ito ng mapang-abuso, mapanlinlang at hindi patas na paraan ng pangongolekta.
