
Ni NOEL ABUEL
Sinabi ni Senador Win Gatchalian na maghahain ito ng panukalang mag-aamiyenda sa Magna Carta for Public School Teachers (Republic Act No. 4670) upang maging mas akma ito sa kasalukuyang panahon at maitaguyod ang kapakanan ng mga guro sa pampublikong mga paaralan.
“Kung mabibigyan tayo ng pagkakataong makabalik sa Senado, aamiyendahan natin ang Magna Carta upang maging mas akma ito sa panahon natin. Kailangan nating tiyakin na ang ating mga guro ay may sapat na edukasyon, training, at may mataas na morale upang maihatid ang pinakamahusay na edukasyon sa ating mga mag-aaral,” pahayag ni Gatchalian.
Sinabi ng senador na bilang chairman ng Senate Committee on Basic Education, Arts and Culture, pinangunahan nito ang pagrepaso sa pagpapatupad ng naturang batas na naipasa noong 1966.
Sa Senate Resolution No. 522, binigyang diin ni Gatchalian na may mga probisyon ang Magna Carta na hindi ganap o lubusang naipapatupad.
Sa ilalim ng Magna Carta, hindi dapat lalagpas sa anim na oras ang pagtuturo ng mga guro sa mga pampublikong paaralan kung saan sakaling lumagpas sa anim na oras ang trabaho ng mga guro, dapat makatanggap ang mga ito ng karagdagang sahod.
Ayon sa isang pag-aaral ng Philippine Institute for Development Studies noong 2019, naipapasa sa mga guro ang maraming mga gawaing administratibo, bagay na nakakaapekto sa kanilang pagtuturo. Kabilang dito ang kanilang pakikilahok sa pagpapatupad ng mga programang tulad ng pagbabakuna, deworming, halalan, at iba pa.
Nakasaad din sa Magna Carta na ang sahod ng mga guro ay dapat maging kapantay ng sahod sa ibang mga propesyon, kung saan kinakailangan ang parehong mga kwalipikasyon.
Dismayado si Gatchalian na napag-iwanan na ang sahod ng mga guro sa bansa kung ihahambing sa ibang bansa sa ASEAN tulad ng Indonesia (P66,099) at Singapore (P60,419).
Ipinapanukala ni Gatchalian na itaas mula Salary Grade 11 (P25,439) tungo sa Salary Grade 13 (P29,798) o Salary Grade 14 (P32,321) ang sahod ng Teacher I.
Ayon pa sa Magna Carta, dapat makatanggap ang mga guro ng libre at compulsory medical examination bago sila magturo.
