
Ni NOEL ABUEL
Napilitang umalis si Aksyon Demokratiko presidential candidate Isko Moreno Domagoso sa pangangampanya nito sa lalawigan ng Batangas matapos na pumutok ang Taal Volcano ngayong umagas.
“Well una, salamat sa Diyos. So far, bagama’t mukhang malakas ‘yung activities ng Taal, itong ating mga kababayan sa ngayon they are in good condition. So naisip ko kahit na anong init ng pagtanggap nila sa akin eh balewala naman ‘yon kung itutuloy namin ‘yung pagkampanya na kung saan eh pwede pa silang magkaroon ng opportunity na makapaghanda para sa kanilang mga gamit at mga mahal sa buhay,” pahayag ni Moreno sa nasa 2,000 residente ng bayan ng San Nicolas.
Maliban kay Moreno, kasama rin nito sina Mayor Lester de Sagun, Senate President pro-tempore Ralph Recto, ang running mate nitong si Dr. Willie Ong, Aksyon senate bets Carl Balita, Samira Gutoc, Jopet Sison, at guest candidate John Castriciones na pinakiusapan ni Moreno na iklian ang mensahe ng mga ito dahil na rin sa pag-aalboroto ng bulking Taal.
“We will never know. Nature ‘yan eh. But ang pinakaimportante ngayon ay ‘yung buhay nila, kagamitan nila kesa sa kampanya ko. Kaya minabuti ko, pinakiusapan ko, I don’t know kung napansin n’yo kanina sa entablado nakisuyo ako sa kanilang lahat kay Sen Ralph, kay Doc Willie, at ‘yung ating si Mayor Lester na kung pupwede i-cut short para magsalita na ako at mapauwe ko na ‘yung tao makabalik sa kani-kanilang mahal sa buhay at tahanan. Ang good news lang I was informed so far more than 10 kilometers yata ito, but just the same I am always trying to be ahead of whatever worst case scenario so, marami pa namang araw para makakalap ng boto ang importante ngayon protektado ‘yung buhay,” paliwanag ng alkalde ng Maynila.
Dahil dito ay madaling umalis ang mga dumalo sa pagpupulong upang sumunod sa babala ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Philvocs) para lumikas dahil sa inilabas na pyroclastic density current at volcanic earthquake.
Nabatid na ang bayan ng San Nicolas ay mahigit laman sa 10 kilometro mula sa bulkan kung kaya’t maaaring abutin ito ng makapal na usok mula sa Taal.
Sinabi naman ni Moreno na sa sandaling tuluyang sumabog ang bulkang Taal ay handang tumulong ang Manila City tulad ng ginawa nitong pagtulong noong mag-alboroto ang bulkan noong Enero 2020.
“Ready kami to help. We are ready as you know si Mayor na nagsabi na alam nila na noong kasagsagan ng Taal, we were here in the first two hours, yes with the MDRRMO (Manila Disaster Risk Reduction and Management Office). ‘Yung supply ng tubig, tangke-tangke ‘yon. Tapos ‘yung mga ambulansya namin saka gamot at gamit,” sabi ni Moreno.
Dahil sa pag-aaboroto ng bulkan, napigilan nito ang pagmo-motorcade sana ni Moreno sa Bauan at Sto. Tomas para ligawan ang nasa 1.7 milyon Batangueňo voters.
