Philvolcs nagbabala sa epekto ng pag-aalboroto ng Taal Volcano

Ni NERIO AGUAS

Nagbabala ang Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) na umiwas na lumapit sa Taal volcano dahil sa patuloy na pag-aaboroto nito na nagbuga ng short-lived phreatomagmatic burst ngayong Sabado ng umaga.

Sa abiso na inilabas ng Phivolcs, itinaas nito sa Permanent Danger Zone (PDZ) ang buong isla ng Taal gayundin ang ilang malalapit na lugar kabilang ang bayan ng Agoncillo at bayan ng Laurel.

Gayundin pinag-iingat din ng Phivolcs ang mga residente ng mga barangay Bilibinwang at Banyaga, Agoncillo, at Boso-boso, Gulod at eastern Bugaan, Laurel, Batangas province na dapat lumikas sa pinakamataas na lugar dahil sa posibilidad na maapektuhan ito ng pyroclastic density current at volcanic earthquake.  

Kasabay nito, itinaas ng DOST-PHIVOLCS ang alert status ng Taal Volcano mula sa Alert Level 2  patungo sa   Alert Level 3 habang patuloy na binabantayan ang pag-aalboro ng bulkan.

“This serve as notice for the raising of the alert status from Alert Level 2 (increasing unrest) to Alert Level 3 (magmatic unrest). At 0722H PST, Taal Volcano Main Crater generated a short-live  phreatomagmatic burst followed by nearly continuous  phreatomagmatic activity that generated plumes 1,500m accompanied by volcanic earthquake and infrasound signals,” ayon sa inilabas na bulletin ng Philvolcs.

Ayon sa Phivolcs, may magmatic intrusion sa main crater na posibleng mauwi sa tuluyang pagsabog ng bulkan.

Samantala, umakayat na sa  mahigit 200 pamilya,  na binubuo ng mahigit na 700 katao ang inilikas na sa ilang barangay sa bayan ng Agoncillo bunsod pa rin ng muling pag aalboroto ng bulkang Taal.

Batay sa facebook page ng Agoncillo na Magandang Agoncillo,  ang mga inilikas ay mula sa mga Barangay ng Banyaga,  Subic Ilaya,  Subic Ibaba at Bilinbiwang.

Ito rin ang mga barangay na pinakagrabeng napinsala noong pagsabog noong Enero 2020.

Agad namang rumesponde at naghanda ng mga kakailanganing tulong sa paglilikas sa mga apektadong residente ang mga bayan ng Balayan,  San Luis, Lemery,  Padre Garcia at Batangas City,

Ang mga inilikas ay  dinala na sa mga evacuation center at sa municipal gym ng  Agoncillo, Batangas.

Ang bayan ng Agoncillo ay nasa southwest side ng Taal volcano island at isa sa pinakamalapit na bayan sa crater kasama ng Bayan ng Laurel.

Leave a comment