
Ni NOEL ABUEL
Iginiit ni dating House Speaker Alan Peter Cayetano sa Kongreso na gamitin ang oversight power nito sa hindi nagamit na pondo na inilaan para sa ayuda sa mga maliliit na negosyo sa ilalim ng Bayanihan 2 aid package.
Tugon ito ni Cayetano, matapos sabihin ni Acting Department of Budget and Management (DBM) Secretary Tina Canda noong Miyerkules, Marso 23, na ipinapaubaya ng kagawaran sa mga mambabatas ang pagbubukas ng imbestigasyon sa nasabing isyu.
“Congress has to step up and look into this issue of unused funds, kasi hindi pwedeng paulit-ulit tayo na ganito,” sabi ni Cayetano.’.
Tinukoy nito ang House Resolution No. 1731 na inihain niya at ng kanyang mga kaalyado noong Abril 28, 2021 na humimok sa Kongreso na gamitin ang kapangyarihan sa pangangasiwa upang imbestigahan ang paggamit ng mga pondo sa ilalim ng Bayanihan 1 at 2 spending bills.
Nakasaad pa sa resolusyon na ang pangangasiwa ng Kongreso ay makatutulong sa pambansang pamahalaan na gumawa ng mga programang pampasigla sa hinaharap.
“Noon pa lang, sinasabi na natin na kailangan ng mahigpit na oversight for something as big and ambitious as Bayanihan 2, kasi ang daming moving parts niyan e,” ani Cayetano.
Sa isang ulat na inilabas ng Commission on Audit (COA) noong Marso 2, 2022, lumabas na mayroong P4.99 bilyon na hindi nagamit na pondo para sa COVID-19 Assistance to Restart Enterprises o CARES program ng Small Business Corporation (SB Corp.), isang kumpanyang pinamamahalaan ng estado sa ilalim ng Department of Trade and Industry (DTI).
Natuklasan din aniya ng state auditor na ang SB Corp. ay gumamit lamang ng P4.09 bilyon o 45.04 porsiyento ng kabuuang budget na P9.08 bilyon na inilaan para sa mga pautang sa mga micro, small, at medium-sized enterprises sa ilalim ng Bayanihan 2 spending bill na nag-expire noong Hunyo 30, 2021.
Ayon pa sa DMB, nasa P4.99 billion o 54.96 percent ng budget na inilaan ang hindi nagamit at ibinalik sa General Fund ng gobyerno.
Sinabi pa ni Cayetano na sa halip na hayaang hindi magamit ang pera, maaaring pumasok ang Kongreso para i-reprogram ang pondo para sa mas madaling magagamit na mga programang pang-ayuda para sa mga mamamayan.
“May nakalatag na na proposal for 10K Ayuda. If they passed that bill, mas madaling na-disburse ang pera sa mga kababayan natin,” wika ni Cayetano tungkol sa 10K Ayuda Bill na inihain nito noong Pebrero 2021.
Iminumungkahi ng panukalang batas na magbigay ng cash grant na P10,000 sa bawat pamilyang Pilipino para matulungan silang makabangon mula sa mga epekto sa ekonomiya ng pandemya.
Idinagdag ni Cayetano na ang isang direktang cash aid program tulad ng 10K Ayuda, na maaaring pondohan gamit ang mga ipon mula sa mga ahensya at hindi nagamit na pera ng gobyerno, ay maaaring makatulong sa mga pamilyang Pilipino sa gitna ng pagtaas ng presyo ng gasolina at pagkain.
Nauna nang sinabi ng Malacañang na magpapatupad ito ng P500 buwanang subsidy para sa pinakamababang 50 porsiyento ng mga kabahayan.
Sa ilalim ng House Resolution No. 1731, sinabi ni Cayetano at ng kanyang mga kaalyado na ang pagsisiyasat ay magbibigay linaw sa kung aling mga programa ang epektibo, na magiging batayan kung alin ang mga dapat palawigin, o isasama sa mga hakbang sa paglalaan sa hinaharap, o papalitan ng mga alternatibo na ituturing ng Kongreso na epektibo.
Nakasaad pa sa resolusyon na kinakailangang matukoy ang utilization rate ng mga nagpapatupad na ahensya hindi lamang para makita kung paano sila gumanap kundi para makatulong din sa pag-streamline ng proseso ng pagsasabatas sa badyet, pagtukoy at paglutas ng mga problema sa yugto ng pagpapatupad ng badyet, at palakasin ang kakayahang maghatid ng mga serbisyo.
Ang resolusyon ay nakabinbin sa House Committee on Rules mula noong Mayo 2021.
“We need to review what went wrong para hindi na ‘to maulit the next time we attempt a large stimulus bill like Bayanihan 1 and 2,” sabi ni Cayetano.
