Nigerian national na sangkot sa trafficking ng 9-buwang sanggol arestado ng BI

NI NERIO AGUAS

Inaresto na ng Bureau of Immigration (BI) ang isang Nigerian national na sangkot sa pagbili sa isang 9-buwang sanggol na babae na ibinenta ng ina nitong nalulong sa e-sabong o online sabong.

Kinilala ni BI Commissioner Jaime Morente, ang naaresto ng mga tauhan ng Fugitive Search Unit (FSU) na si Ifeanyi Bright Okoro, 31-anyos, na una nang naaresto sa loob ng National Bureau of Investigation (NBI) compound sa Taft Avenue, Manila.

Sa ulat na ipinadala ni FSU Chief Rendel Ryan Sy, inaresto si Okoro sa bisa ng mission order na inilabas ni Morente dahil sa pagiging banta sa publiko at seguridad.

Nabatid na ang nasabing dayuhan ay natuklasan ding overstaying na sa bansa matapos nakitang nag-expired na ang visa nito noon pang 2018.

Sa kasalukuyan ay nasa kostudiya ng NBI si Okoro na nahaharap sa paglabag sa RA 7610 o sa the Special Protection Against Children Abuse, Exploitation and Discrimination and for other purposes, at Kidnapping sa ilalim ng Revised Penal Code of the Philippines.

Pinuri naman ni Morente ang mga operatiba ng FSU sa agarang pagdakip sa nasabing dayuhan. 

“These undesirable aliens have no place in the country as they are a threat to our society,” sabi ni Morente.

Nilinaw naman ni Morente na pansamantalang hindi maipapatapon pabalik ng Nigeria ang dayuhan habang kinakaharap nito ang nasabing mga kaso.

“If the local courts deem that he should serve time for his crimes, then he should complete that before being deported,” ayon pa kay Morente.

Leave a comment