
Ni NOEL ABUEL
Pinuri ni Senador Christopher “Bong” Go si Pangulong Rodrigo Duterte sa pag-apruba sa pagpapalabas ng pondo ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRC) para sa panukala ng Philippine Coconut Authority (PCA) na Coconut Debris Management Plan bilang suporta sa Shelter Assistance and Recovery Program ng pamahalaan sa mga komunidad na sinalanta ng nagdaang bagyong Odette noong Disyembre.
“Kinokomendahan po natin si Pangulong Duterte sa kanyang pag-apruba sa pondong ito na layuning mapabilis ang pagbibigay ng reusable housing materials para sa mga biktima ni Typhoon Odette,” ayon kay Go na nagsabing tiniyak nito at ni Pangulong Duterte na maipapasa ang nasabing panukala.
“Noong tumama ang bagyo, nakita mismo namin ni Pangulo ang pinsala na dulot nito sa agrikultura lalo na sa coconut farmers. Kaya iniutos kaagad niya na matulungan ng gobyerno ang ating mga magsasaka at ang coconut industry,” dagdag nito.
Nabatid na ang pondong P331,003,192 ay ipapalabas sa PCA na naaayon sa Presidential Directive No. 2022-011 para magamit ang nasirang mga puno sa pagtatayo ng housing materials sa Typhoon Odette survivors.
Ang panukala aniya ay magsasaayos sa paglilipat at pagtatapon ng mga nasirang puno ng niyog na magdudulot ng banta sa kalusugan at kapaligiran at maiwasan ang pagkalat ng peste at bumuo ng coco lumbers para sa pagtatayo ng mga pansamantalang tahanan ng mga apektadong pamilya.
Kabilang sa nasabing proyekto ang pagkuha ng serbisyo ng nasa 11,573 chainsaw operators na babayaran sa pamamagitan ng cash-for-work scheme, na iimplementa ng mga probinsya ng Regions IV, VI, VII, VIII, X at XIII.
Samantala, muling binigyan-diin ni Go ang pangangailangan para sa isang maayos at holistic response sa mga sakuna at iba pang kalamidad.
Apela pa nito na ipasa na ang Senate Bill No. 205, o mas kilalang “Disaster Resilience Act” na noong 2019 pa inihain ni Go na naglalayong tugunan ang mga burukratikong hamon na sumisira sa kakayahan ng gobyerno na mas mahusay na tumugon at magbigay ng suporta sa mga indibidwal na apektado ng mga sakuna.
Para magawa ito, itatatag nito ang Department of Disaster Resilience, na isang highly-specialized na ahensya na maghahanda laban sa epekto ng pagbabago ng klima at magsisiguro ng isang mas maagap na diskarte sa mga natural calamities.
