
Ni NOEL ABUEL
Kung si Davao City Vice Mayor Sebastian “Baste” Z. Duterte ang tatanungin ay kumpiyansa itong si dating Senador Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang ieendorso ng ama nitong si Pangulong Rodrigo Duterte para sa susunod na pangulo ng bansa kasama si Lakas-Christian Muslim Democrats (CMD) vice presidential candidate Mayor Sara Duterte.
Sinabi ng bise alkalde na base sa mga nakikita nitong senyales ay malaki ang posibilidad na si Marcos ang pipiliin ni Pangulong Duterte para pumalit sa iiwanan nitong posisyon.
“Hindi pa natin alam [kung i-eendorse], but there are signs na. Nakita na natin [ang] PDP-Laban, nag-release na ng statement na they’re supporting BBM so I hope the President will express his support to BBM,” sabi ni Baste, sa ambush interview matapos ang proclamation rally ng local candidates sa pangunguna ni Gov. Jun Tamayo sa Polomolok gymnasium.
Tinukoy nito ang pag-endorso ng PDP-Laban ng Cusi wing sa kandidatura ni Marcos.
Dagdag pa ng Baste, kung tatanungin ito na kung ieendorso ni Pangulong Duterte ang Partido Federal ng Pilipinas (PFP) standard-bearer na si Marcos, ang tugon nito ay “Of course.”
Paliwanag pa ng bise alkalde na si Marcos din ang nangunguna sa mga survey sa Davao para manalo sa darating na eleksyon sa Mayo.
“As far as I know sa Davao mataas talaga siya. More than 80 percent, 85 percent. We’re trying to push for 90,” ani Baste na nag-represent kay Mayor Sara Duterte sa rally ng Uniteam sa nasabing lugar.
Mainit ang pagtanggap ng mga supporters ng Uniteam sa Davao hindi lang kina Marcos at Duterte kung hindi maging ang senatorial slate tulad nina Senate Majority Leader Juan Miguel Zubiri, Gibo Teodoro, dating Senador Jinggoy Estrada, dating Department of Public Works and Highways (DPWH) Sec. Mark Villar at dating Quezon City Mayor Herbert Bautista.
