Publiko pinadadalo ng Comelec sa Mayo 2-7 para saksihan ang gagamiting VCM

NI NERIO AGUAS

Umapela ang Commission on Elections (Comelec) sa taumbayan at sa lahat ng political parties na magtungo sa mga presinto sa buong bansa sa darating na Mayo 2 hanggang 7 para personal na matunghayan ang final testing at sealing ng mga vote counting machines na gagamitin sa May 9, 2022 polls.

Sinabi ni Comelec Commissioner George Garcia  na ang mga nabanggit na araw, ang kada presinto ay gagamit ng 10 original ballots para sa May 9 elections at bibigyan ng pagkakataon na masubukan ito ng mga saksi.

“Magkakaroon tayo sa lahat ng presinto sa buong Pilipinas ng tinatawag nating final testing and sealing, ‘yung pagsasara ng mga vote counting machines. Ineenganyo natin ang lahat ng political parties, citizens’ arm, mga kababayan nating botante, inyo pong puntahan ang mga presinto sa araw na ‘yan,” ayon pa kay Garcia.

Aniya, masasaksihan dito ang pagpi-print ng resibo na lalabas sa mga vote counting machines na maaaring saksihan ng mga ito.

Sa mga dadalo sa final testing at sealing ng mga vote counting machines, sinabi ni Garcia na maaaring subukan ang undervoting o overvoting, maling pag-shade sa balota, at kahit na sulatan o punitin ang balota para malaman kung tatanggapin ba ito ng makina o hindi.

“Ite-test po kasi ang mga vote counting machines. Susubukan ‘yan at kinakailangan lahat po kayo ay makasaksi na ang ipi-print niya muna na resibo ay zero. Kinakailangan niyong makita ang zero dahil ibig sabihin niyan walang laman ang makina dahil zero ang pinrint niya,” sabi nito.

Sa oras namang walang makitang depekto, agad na isi-seal ang mga vote counting machines sa harap mismo ng mga testigo at mga kinatawan ng political groups at lagdaan upang patunayan na walang sira at magagamit ang VCM sa eleksyon.

Leave a comment