Cayetano sa susunod na Kongreso: Iprayoridad ang Department of Disaster Resilience

Rep. Alan Peter Cayetano

Ni NOEL ABUEL

Nanawagan si dating House Speaker Alan Peter Cayetano sa mga susunod na magiging miyembro ng Kongreso na unahing talakayin ang panukalang pagkakaroon ng Department of Disaster Resilience (DDR) bilang panlaban sa nararanasang kalamidad ng bansa.

Inihalimbawa ng kongresista ang nangyaring pag-aalboroto ng Taal Volcano sa Batangas kung saan inilagay sa Alert Level 3 ang ilang barangay at bayan malapit sa bulkan dahil sa naranasang phreatomagmatic eruption dahilan upang magkaroon ng makapal na usok at abo na umabot pa ng halos 1 milya.

“The 19th Congress should prioritize (establishing) the Department of Disaster Resilience. We owe it to our people to provide a coherent, reliable response system during calamities such as the Taal eruption,” sabi ni Cayetano, na tumatakbong senador sa May 2022 elections.

“We can’t have an ad-hoc response to disasters every time. Alam naman nating may mga bulkan tayo at nililindol tayo, lagi tayong may mga bagyo, we have to have an agency in charge of this and systems in place para ready to respond tayo lagi,” dagdag nito.

Si Cayetano ay isa sa pangunahing may-akda ng House Bill No. 5989 at nanguna sa pag-apruba nito bilang House Speaker noong Setyembre 2020 subalit nabalam ito sa Senado.

Sa ilalim ng HB No. 5989, ang DDR ang magiging pangunahing ahensya ng gobyerno na responsable sa pamumuno, pag-oorganisa, at pamamahala sa pagsisikap ng pamahalaan na bawasan ang panganib ng sakuna, paghahanda at pagtugon sa kalamidad, pagbangon at rehabilitasyon.

Maliban dito, ito rin ang mangangasiwa at mag-uugnay sa paghahanda, pagpapatupad, pagsubaybay, at pagsusuri ng plano, programa, proyekto, at aktibidad.

“Hindi tayo pwedeng laging react lang nang react, dapat proactive tayo. Kailangan na talaga natin ng isang Department of Disaster Resilience na tututok sa rehabilitation,” giit pa ni Cayetano.

“We have to have an agency that will manage the economic recovery of places hard-hit by disasters,” saad pa nito.

Si Cayetano, na tanging kandidato bilang senador ang tanging nagdeklara ng eco-friendly campaign, na ang climate change ang dahilan para lumikha ang pamahalaan ng isang ahensya ng gobyerno na tutugon sa disaster preparation, response, and rehabilitation.

“Alam naman natin na ‘yung climate change nandiyan. We should really have basic protocols to be able to deliver,” ayon pa sa dating House Speaker.

Leave a comment