
Ni NERIO AGUAS
Arestado ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) ang isang Chinese national na nasa likod ng sapilitang pagpapasok sa prostitusyon ng ilang babaeng Korean nationals sa mga kababayan nito na nasa Pilipinas.
Sa ulat na tinanggap ni Immigration Commissioner Jaime Morente kay BI intelligence division chief Fortunato Manahan Jr., nakilalang ang nadakip na dayuhan na si Jin Mingchun, 35-anyos, sa tahanan nito sa Parañaque City.
Isinagawa ang pagdakip sa bisa ng mission order na inilabas ni Morente dahil sa pagiging overstaying ng nasabing Chinese national sa bansa sa loob ng mahigit dalawang taon.
Sinabi naman Manahan, inaresto si Jin matapos makatanggap ng reklamo ang BI mula sa isang impormanteng dating nagtrabaho sa mga babaeng Koreans.
Base pa sa reklamo, pinipilit ng nasabing dayuhan ang mga babaeng Koreans na magtrabaho bilang prostitutes sa pamamagitan ng pagkumpiska ng kanilang pasaporte sa mga kababayan nitong Chinese.
Dahil dito iniutos ni Morente sa legal division ng ahensya na agad na magsagawa ng deportation proceedings laban kay Jin dahil sa pagiging overstaying at undesirable alien.
“Aliens like him who prey on women do not deserve the privilege to stay in the country. They should be expelled and banned from re-entering the Philippines,” ayon pa kay Morente.
Kasalukuyang nakadetine sa BI warden facility sa Camp Bagong Diwa, Taguig City si Jin habang inihahanda ang pagpapatapon pabalik ng China.
