
Ni NOEL ABUEL
Nagpasalamat si Senador Christopher “Bong” Go sa pribadong sektor sa patuloy na pakikipagtulungan at suporta ng Duterte administration na makamit ang sustainable development at inclusive growth sa bansa.
Sa ginanap na online event ng 2nd General Members Meeting ng Philippine Chamber of Commerce and Industry (PCCI)- Mindanao, noong Sabado, Marso 26, na inorganisa upang ipagdiwang ang pagluklok ng mga bagong regional governor para sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM), Western Mindanao, Northern Mindanao, Southwestern Mindanao, Southeastern Mindanao, Eastern Mindanao at Western Mindanao.
Sa isang talumpati, ikinatuwa ni Go ang mabilis na pag-unlad ng rehiyon ng Mindanao sa ilalim ng kasalukuyang administrasyon at muli nitong pinagtibay ang pangako ni Pangulong Rodrigo Duterte na higit pang palakasin ang pagbangon ng ekonomiya ng rehiyon sa kabila ng mga kaguluhang dulot ng COVID-19 pandemic.
“Over the past few years, our home island of Mindanao experienced positive and meaningful developments in terms of infrastructure development, private investments as well as peace and security. Talagang sinugal ng Pangulo ang lahat para sa kinabukasan ng ating mga anak,” sabi ni Go.
Ipinangako ng mambabatas na susuportahan nito ang mga hakbang na magpapabilis sa proseso ng pagbawi habang lumilikha ng mga bagong pagkakataon para sa mga lokal na negosyo.
Kamakailan ay isinulong ni Go ang pagpasa ng panukalang batas na magtatatag ng Metropolitan Davao Development Authority na may layuning gawing isa ang Davao sa pangunahing sentro ng negosyo at pamumuhunan.
Inihain ni Go noong 2021, ang Senate Bill No. 2157 ay naglalayong isentralisa at pangasiwaan ang mga pagsisikap at mga hakbangin sa pag-unlad na tumutugon sa mga hamon na kinakaharap ng Davao City at mga karatig nitong lokal na yunit ng pamahalaan.
Ang pinagsama-samang bersyon ay naaprubahan noong Enero at nakatakdang pirmahan ng Pangulo.
Bukod dito, nangako rin si Go na magsusulong ng higit pang mga hakbang na magpapahusay sa kakayahan ng rehiyon na tumugon sa mga hinaharap na krisis sa kalusugan sa kanyang kapasidad bilang chairman ng Senate Committee on Health.
Nakatulong din ang senador sa pagsasabatas ng 24 local hospital laws noong 2021, na kinabibilangan ng mga hakbang sa pag-upgrade ng Caraga Regional Hospital sa Surigao City at Siargao District Hospital sa Dapa, Surigao del Norte; Malita Women’s and Children’s Wellness Center sa Davao Occidental; Mayor Hilarion A. Ramiro Sr. Medical Center sa Ozamiz City, Misamis Occidental; at Misamis Oriental General Hospital sa Medina, gayundin ang pagtatatag ng Davao Occidental General Hospital sa Malita.
Kamakailan ay nag-sponsor si Go ng 15 bagong hakbang na kinabibilangan ng mga panukalang batas para i-upgrade ang Cotabato Sanitarium sa Sultan Kudarat, Maguindanao; Sulu Sanitarium sa Jolo, Sulu; at Northern Mindanao Medical Center sa Cagayan de Oro City; at isa pa para itatag ang Northeastern Misamis General Hospital sa Villanueva, Misamis Oriental.
Ang lahat ng mga panukalang batas ay naghihintay ng lagda ng Pangulo.
