
NI NOEL ABUEL
Pinatawan ng anim ng taong pagkabilanggo ng Sandiganbayan at tuluyang pagtanggal sa karapatan nitong maupo sa pampublikong posisyon sa gobyerno ang dating mataas na opisyal ng National Agribusiness Corporation (Nabcor) matapos mapatunayang sangkot sa kurapsyon.
Maliban sa pagkakakulong, pinagbabayad din si Honesto Baniqued ng P4.8 milyon para sa Department of Agriculture (DA).
Sa 42-pahinang desisyon ni Associate Justice at Fifth Division chairperson Rafael R. Lagos na kinatigan nina Associate Justices Maria Theresa V. Mendoza-Arcega at Maryann E. Corpus-Mañalac, napatunayan na nagkasala si Baniqued nang kuhanin nitong consultant ang isang pribadong abogado nang walang public bidding.
Nag-ugat ang kaso, noong 2012 nang kuhanin ng Nabcor ang nasabing pribadong abogado para maging financial advisor/consultant upang tumulong sa negosasyon sa P1.676 bilyong pagkakautang sa Philippine Deposit Insurance Corporation (PDIC).
Batay sa consultancy contract, tatanggap ang abogado ng P10.3 milyon sa pamamagitan ng P300,000 na babayaran bilang partial payment, P5 milyon kapag tinanggap ng PDIC ang debt-restructuring proposal (DRP), at isa pang P5 milyon kapag napirmahan ng PDIC at Nabcor ang panghuling DRP.
Sinabi ng prosekusyon na binayaran ang consultant ng halagang P4.797 milyon noong Hulyo 26, 2012 kahit walang suporta para sa claim na nagdulot ng hindi nararapat na pinsala sa gobyerno.
At sa paghatol kay Baniqued, sinabi ng Sandiganbayan na inamin ng nasasakdal na hindi dumaan sa kinakailangang public bidding, at inamin na ang nasabing abogado ay inirekomenda lamang ng kaibigan nitong isa ring abogado.
“In light of the established facts, there is no doubt that accused Baniqued acted with manifest partiality when he engaged the services of (consultant) without conducting a public bidding. As president of Nabcor, he is not only expected to know the proper procedure…he is also duty bound to follow the same,” sabi ng anti-graft court.
Dahil sa ang Nabcor ay matagal nang binuwag bilang government-owned o controlled corporation, sinabi ng korte na ang dapat bayaran ng akusado ang DA na may administrative control sa nasabing binuwag nang ahensya.
