P20M halaga ng smuggled cigarettes nasabat sa Davao

Ni NERIO AGUAS

Nasabat ng pinagsanib-puwersa ng Bureau of Customs (BOC) at ng Philippine National Police (PNP) Regional Special Operations Group (RSOG) XI ang kahun-kahong smuggled na sigarilyo na nagkakahalaga ng P20 milyon sa Hagonoy, Davao del Sur.

Ayon sa BOC, nagsagawa ng buy-bust operation ang mga tauhan ng Customs Intelligence and Investigation Service (CIIS), X-ray Inspection Project (XIP) ng Port of Davao , at Enforcement Security Service (ESS) na nagresulta ng pagkakasabat sa iba’t ibang klase ng sigarilyo tulad ng Wilson, Champion, EXXE, Absolute Blue, at iba pa.

Sinabi ni District Collector, Atty. Erastus Sandino B. Austria na naglabas na ng Warrant of Seizure and Detention laban sa nasabing mga smuggled goods dahil sa paglabag sa Section 117 at Section 1400 ng Customs Modernization and Tariff Act (CMTA).

Tiniyak naman ng BOC ang publiko na patuloy ang isinasagawang pagbabantay sa mga borders ng bansa laban sa pagpasok ng mga smuggled goods kabilang ang sigarilyo na nagiging sanhi ng pagkalugi ng tobacco industry ng bansa.

Leave a comment