Railway engineering gawing prayoridad na kurso sa unibersidad — solon

Ni NOEL ABUEL

Nanawagan si Senador Joel Villanueva na isulong ang railway engineering and technology courses sa mga paaralan sa bansa bunsod na rin ng pinakamalaking railway projects na magbibigay ng trabaho sa mga Filipino.

Sinabi ni Villanueva na nangangailangan ng trained and skilled manpower para patakbuhin ang plano ng Philippine National Railways South Long Haul project (PNR Bicol).

Idinagdag pa ng senador na kailangang umpisahan na ng gobyerno ang pagkakaroon ng mga programa sa mga unibersidad at kolehiyo na gagawa ng isang lupon ng railway technology experts sa bansa.

Sa kasalukuyan, may graduate program sa Polytechnic University of the Philippines (PUP) para sa railway engineering at may memorandum agreement naman sa pagitan ng Commission on Higher Education (CHED) at Department of Transportation (DoTr) para sa continuing training ng railway technicians at engineers.

Tinawag ng senador na “game changer” ang “modernized and extended Bicol Express” bilang ligtas at abot-kayang transportasyon para sa mga tao at kalakal sa pagitan ng Metro Manila, CALABARZON, at Bicol.

Nanawagan din si Villanueva sa TESDA na siguraduhing may programa ang ahensya para sa “skilling, upskilling, and reskilling” ng mga manggagawa lalo na sa construction sector, para sa implementasyon at konstruksyon ng mga proyektong imprastraktura ng gobyerno.

Ipinagtanggol din ng senador ang 2022 budget ng ahensya, at sinigurong may Php 1.515 bilyon sa ilalim ng Tulong Trabaho Law para sa pagsasanay ng mga benepisyaryo ng batas na ito.

Hinimok ni Villanueva na ilatag ng gobyerno ang “educational groundwork for the country’s railway future” matapos maging pinal ang P142 bilyon na kontrata para itayo ang unang 380 kilometro ng riles mula Banlic, Calamba papuntang Daraga, Albay.

Nakikita rin ng senador na importanteng bahagi ng National Employment Recovery Strategy ang mga trabahong mula sa PNR Bicol para maabot ang target nitong paglikha ng 2 milyon na trabaho.

Ayon sa DOTr, inaasahang nangangailangan ng 5,000 trabaho sa pagtatayo ng PNR Bicol project.

Aabot ng 560 kilometro ang proyekto at magkakaroon ito ng 35 na istasyon kapag tumakbo na ang mga biyahe ng tren mula Maynila, dadaloy ang PNR Bicol papuntang Laguna, Quezon, Camarines Sur, Albay, at Sorsogon.

Magkakaroon din ito ng spur line papuntang Batangas, sa mga siyudad ng Santo Tomas, Lipa, Batangas.

Ayon kay Villanueva, ang PNR Bicol ay isang “powerful economic stimulus, a catalyst of development and above all a clean mode of transportation.”

“Mababawasan nito ang paggamit ng fossil fuels. Makakatipid tayo sa pera, at makakabawas din ng polusyon. Mas mapapabilis din nito ang biyahe ng mga commuter,” sabi ni Villanueva.

Tinatantyang may bilis na hanggang 160 kilometers per hour ang “Bicol Express”, at paiigsiin ang biyaheng Manila hanggang Legazpi City na maging apat at kalahating oras na lamang mula 14 o 18 na oras kung sakay sa express line.

Inaasahan ng DoTr at PNR na matapos ang mga riles sa 2024, at magpatakbo ng mga biyahe sa ikatlong bahagi ng 2025.

Leave a comment