Wanted na Korean national arestado ng BI operatives

Arestado ng mga operatiba ng Bureau of Immigration (BI) ang isang South Korean fugitive na wanted sa bansa nito kaugnay ng pagkakasangkot sa illegal gambling.

Kinilala ni Immigration Commissioner Jaime Morente, ang nadakip na dayuhan na si Jeong Mungil, 39-anyos, ng mga tauhan ng BI’s fugitive search unit (FSU) sa Bonifacio Global City sa Taguig.

Nabatid na isinagawa ang pag-aresto laban kay Jeong sa bisa ng mission order na nilagdaan ni Morente matapos makatanggap ng apela mula sa South Korean authorities sa Manila para sa ikadarakip ng nasabing dayuhan.

Sinabi ni BI-FSU chief Rendel Ryan Sy, na ang nasabing dayuhan ay nasa red notice ng Interpol at may arrest warrant na inilabas ang Ulsan district court sa Korea dahil sa paglabag sa national sports promotion act ng Sokor.

Base sa impormasyon mula sa national central bureau ng Interpol sa Manila, natuklasan na noong 2012, si Jeong at ilan pang kasabwat nito ay nag-o-operate ng online gambling site mula sa kanilang condominium unit sa Makati City. 

Dito isinasagawa umano ng sindikato ang illegal na gawain sa pamamagitan ng pagkumbinse sa mga Koreans na tumaya sa ilang national sports competitions kung saan nagawang makakulimbat  ang mga ito sa mga biktima ng aabot sa mahigit 6.5 billion won, o katumbas ng US$5.3 milyon.

Kasalukuyang nakadetine ang nasabing dayuhan sa BI warden facility sa Camp Bagong Diwa, Taguig City habang inihahanda ang pagpapatapon dito pabalik ng Korea.

Leave a comment