
Ni NOEL ABUEL
“Imbestigahan at parusahan ang mga sangkot sa smuggling, ngayon na!”
Ito ang giit ni Magsasaka party list Rep. Argel Cabatbat sa Department of Agriculture (DA) sa kabila nang walang habas na pagpuslit ng agricultural products sa bansa.
Inamin ni DA Assistant Sec. Federico Laciste Jr. sa isang pagdinig sa Senado na may ‘big-time personalities’ na umano’y humihingi ng pabor sa kanya upang huwag kasuhan ang smugglers.
Ayon kay Senate President Vicente Sotto III, kabilang ang nakaupo at dating opisyal ng gobyerno sa mga tumawag kay Laciste.
Sa isang pahayag, kinondena ni Agriculture Sec. William Dar ang pangyayari at nangakong magsasampa ng administrative charges laban sa mga may kinalaman dito, kabilang ang tauhan ng kanyang ahensya.
Pero para kay Cabatbat, napakabagal ng aksyon ng DA kaya namamayagpag pa rin ang smugglers.
Sinabi pa deputy minority leader ng Kamara, tila may proteksyon ang mga sangkot mula sa ilang maimpluwensyang indibiduwal.
Kamakailan lang, may dumulog kay Cabatbat tungkol sa umano’y iregularidad sa Bureau of Plant Industry (BPI).
Ayon pa sa nagreklamo, mukhang pinagtatakpan umano ang mga anomalya ng matataas na opisyal ng DA.
“We will continue collecting evidence and witnesses that will expose the corruption in the Bureau of Plant Industry that we believe is the root cause of smuggling in the country,” ani Cabatbat.
Ang kinatawan ng Magsasaka Partylist ang may-akda ng House Resolution 2282 na layong tuloy tuloy na imbestigahan ang pagpupuslit ng mga gulay sa bansa.
Noong isang taon, nagkasundo rin ang nasabing party list group at Bureau of Customs na magtulungang sawatahin ang smuggling sa pamamagitan ng paghihigpit ng inspeksyon sa mga pantalan at iba pang border, at pagpapalakas ng food safety regulations.
