

Ni NOEL ABUEL
Nagpahayag ng kahandaang tumulong sa iba pang local government units (LGUs) si Taguig 2nd District Rep. Maria Laarni Cayetano sa pagpapalawak ng mga serbisyong makatutulong partikular sa mga kababaihan hindi lamang ngayong ipinagdiriwang ang Women’s Month.
“We will closely work with local government officials na talaga pong parang pamilya na rin po sa ‘min, para mai-share po natin ang mga programang kapaki-pakinabang dito sa Taguig na sigurado po ako ay pwede po nating magawa at mapagtulungan sa iba pong mga lokal na pamahalaan,” sabi ni Cayetano.
Si Cayetano, na tumatakbong alkalde ng Taguig sa May 2022 elections, at ang mister nitong si dating House Speaker Alan Peter Cayetano, na tumatakbong senador, ay nangakong itutuloy ang pagpapalakas at pagpapabuti ng healthcare services ng mga kababaihan sa lungsod.
“Dito po sa Taguig, at pangarap po ng ating former Speaker Alan Peter Cayetano, nais naming maipagpatuloy na i-advocate ang pangangalaga sa kalusugan ng mga kababaihan,” sabi pa nito.
“We are passionate about our anti-cervical cancer and anti-breast cancer programs na gusto nating ma-expand nang husto sa iba’t ibang dako ng bansa,” dagdag pa ng kongresista.
Maliban sa cervical at breast cancer screening programs, ang pamahalaang lungsod ay magsasagawa ng tatlong beses na linggong Taguig Love Caravans na direktang magbibigay ng laboratory services, medical and dental check-ups, at pangunahing mga gamot sa mga residente.
Gayunpaman, sinabi pa ni Cayetano na ang mabuting healthcare services na magbebenepisyo ay mga kababaihan ay magiging walang kabuluhan kung ang mga LGUs ay hindi gagawa ng mga hakbang para sa kabutihan ng mga kababaihan.
“Marami po ang mga kababaihan na hindi makaalis sa mga mapang-abusong relasyon dahil po hindi sila financially independent, kaya ang pagtulong po sa kanila at sa kanilang kabuhayan ay napakahalaga rin,” ayon pa kay Cayetano.
“Isama na rin po natin ‘yung patuloy po nating kampanya laban sa violence against women,” dagdag nito.
Ang pamahalaang lugsod ng Taguig ay napapanatili ang Bahay Pag-asa at Taguig Lingap Center na nagsisilbing kanlungan para sa mga kababaihan at kabataang nangangailangan ng tulong at mayroong Hotline for Child and Youth Welfare and Protection.
Mayroon din ang Taguig ng lokal na programa para sa mga kababaihang negosyante kabilang ang Diskwento Caravan, Market on Wheels, at TienDA Malasakit.
Nakikinabang din ang mga residente ng Taguig sa Sampung Libong Pag-asa ang Sari-saring Pag-asa financial aid programs na pinangunahan ni Speaker Alan Peter Cayetano.
