Post-harvest facilities at crop insurance apela ng mga magsasaka

Ni NOEL ABUEL

Nagpahayag ng pagkabahala ang samahan ng mga magsasaka sa tumitinding nararanasanng climate change lalo na’t apektado na nito ang panahon ng pagtatanim at pag-aani sa bansa.

Ayon kay Magsasaka party list Rep. Argel Cabatbat, naliligalig ang planting at harvesting calendar ng mga magbubukid dahil sa pabagu-bagong klima sa kasalukuyan.

 Aniya, dahil sa pag-init ng mundo, mas madalas at matindi na ang pag-ulang nararanasan kahit panahon ng summer season sa Pilipinas.

“Tag-araw na dapat ngayon at buwan na ng anihan ng mga magsasaka ng palay at gulay. Bakit parang pang-June na ang panahon? Karamihan tuloy ng mga pananim ay nasisira dahil sa tuluy-tuloy na ulan sa buwan ng anihan,” obserbasyon ni Cabatbat.

Ganito rin aniya ang reklamo ng mga magsasaka sa Eastern Visayas, kung saan bumibisita mambabatas at nakita ang sitwasyon ng magsasaka.

Upang maibsan ang banta ng climate change sa produksyon ng pagkain at paglaon ay pagbagsak ng ekonomiya dahil dito, isinusulong ni Cabatbat ang pagdadagdag ng post-harvest facilities at pagpalawig ng crop insurance para sa mga magsasaka.

“Kung may post-harvest facilities, maiiwasan ‘yung pagkalugi mula sa pagkasira ng pananim. Masisiguro na may pag-iimbakan ng ani upang hindi maapektuhan ang kalidad nito. May mekanismo para mapabuti ang distribusyon ng pagkain, at pati byproducts mula sa pagtatanim, may paglalagyan kaya walang sayang. Sa huli, sigurado ang kita ng magsasaka,” ani Cabatbat.

Dagdag ng mambabatas, malaking tulong sa mga magbubukid ang pagpapatatag sa crop insurance.

Ang Philippine Crop Insurance Corporation (PCIC) ang pangunahing nagpapaluwal ng tulong sa mga magsasaka upang maprotektahan ang kanilang pananim mula sa epekto ng kalamidad, peste at sakit.

Muli ring inulit ni Cabatbat ang panawagan nito sa pamahalaan na ibalik ang pamamahala ng PCIC sa Department of Agriculture (DA) para sa mas mabilis na operasyon. 

Nabatid na noong isang taon, inilagay ang PCIC sa ilalim ng Department of Finance (DOF) sa bisa ng Executive Order 148 kung saan binawasan din ang kinatawan mula sa hanay ng magbubukid na umuupo sa PCIC Board.

Leave a comment