Sabwatan ng smuggler at opisyal ng pamahalaan binatikos

Senador Christopher “Bong” Go

Ni NOEL ABUEL

Kinalampag ni Senador Christopher “Bong” Go ang mga awtoridad na kumilos at aksyunan ang alegasyon ng nagyayaring smuggling ng mga gulay sa merkado mula sa China.

Ayon sa senador, alinsunod sa kampanya ng Duterte administration laban sa katiwalian at palakasin ang transparency sa mga hangganan ng bansa.

Mariing binatikos ni Go, miyembro ng Senate Committee on Agriculture, ang malaking posibilidad na nagsasabwatan ang ilang opisyal ng pamahalaan sa mga smuggler at nanawagan ng agarang aksyon sa usapin.

“Dapat lumabas ang katotohanan. Alam ninyo si Pangulong Rodrigo Duterte galit sa kurapsyon. Isa talaga sa tinutukan niya ang kampanya laban sa kurapsyon sa gobyerno. Itong nababalitaan, isa pa rin sa problema ang (Bureau of Customs), habang nandiyan ang kurapsyon ay hindi aasenso ang ating bansa,” sabi ni Go. 

“Dapat kasuhan at ikulong kung sino man ang involved. Wala nang kadala-dala ang mga opisyales kung totoo man na may nagpapalusot ng smuggling diyan sa Customs,” dagdag nito.

Sa nakalipas na pagdinig ng Senate Committee of the Whole, kinastigo ng mga senador ang BoC at ang Department of Agriculture (DA) dahil sa kawalang aksyon nito sa nangyayaring smuggling activities.

Ayon sa League of Associations at La Trinidad Vegetable Trading Areas, nalulugi ang mga magsasaka ng P2.5 milyon kada araw matapos mabawasan ang orders ng 40% ngayong taon dahil sa pagbaha ng mga smuggled vegetables sa merkado.

“Kaya nga mayroon tayong Presidential Anti-Corruption Commission na nakatutok sa mga katiwalian sa gobyerno. (Department of Agriculture) naman, protektahan ninyo dapat ang mga local farmers natin. Unahin niyo ang Pilipino, huwag ang kita ng mga smugglers,” apela  ni Go. 

“Pakiusap ko sa BoC at DA, unahin ninyo ang interes ng ating mga kababayan, lalung-lalo na mga mahihirap, ‘wag interes ng mga smugglers,” giit ng senador.  

Leave a comment