
Ni NERIO AGUAS
Hindi nakalusot sa mahigpit na pagbabantay ng NAIA Drug Interdiction Task Group (NAIA-DITG) ang tangkang pagpapalusot ng illegal na droga sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).
Ito ay matapos na masabat ng pinagsanib na puwersa ng Bureau of Customs (BoC) at ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang nasa P6.8 milyong halaga ng shabu na nakatago sa mga pressure cooker sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).
Ayon sa BoC, dumating sa NAIA ang package mula sa bansang Malaysia na idineklarang mga “a multi-function pressure cooker” na tinangkang ipasok sa bansa.
Ngunit nang isailalim sa pagsisiyasat ay nakita ang ilang piraso ng puting gramo kung saan natuklasang naglalaman ito ng methamphetamine hydrochloride o shabu na umabot sa 1011 grams, at tinatayang nagkakahalaga ng P6,874,800.00.
Agad na kinumpiska ang nasabing illegal na droga habang inaalam kung sino ang consignee nito at sino ang nagpadala.
Sinabi ni BoC Commissioner Rey Leonardo B. Guerrero, na mahigpit ang isinasagawang pagbabantay ng BoC-NAIA sa mga paliparan at pantalan upang masiguro na hindi makakapasok ang illegal na droga sa bansa.
