
Ni NOEL ABUEL
Dapat solusyunan ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang mga nagpapakalat ng maling impormasyon ng fake news na nagiging sanhi upang dumagsa ang mga aplikante na nais kumuha ng pasaporte sa Aseana Business Park Office sa Parañaque City.
Ito ang panawagan ni Senador Win Gatchalian sa DFA upang hindi na maulit pa na biglaang pagdagsa ng mga aplikante para sa passport.
Ayon sa senador, nabahala ito sa naging kalagayan ng mga walk-in applicants na pumila nang magdamag dahil nabiktima ang mga ito ng online fixer, scammers, at recruitment agencies sa mapanlinlang na impormasyon hinggil sa walk-in policy ng DFA.
“Dapat paigtingin ang pagpapakalat ng tamang impormasyon para maiwasan ang pagpila ng ating mga kababayan at hindi sila mapilitang matulog sa bangketa para lang mauna sa walk-in application. Ang kanilang kapakanan ang dapat nating isaalang-alang sa lahat ng pagkakataon,” ayon sa re-electionist na senador.
Hinimok ni Gatchalian ang DFA na gamitin ang social media platforms pati na rin ang mainstream media upang magabayan nang maayos ang mga aplikante habang patuloy na tinutugunan ang sanhi ng maling impormasyon.
Batay sa paunang imbestigasyon na ginawa ng DFA, lumalabas na ilang recruitment agencies ang nanghimok sa mga aplikante na pumila at magtiyagang magpalipas ng gabi sa DFA Aseana upang masiguro umano ang mabilis na pagproseso ng kanilang passport.
Sinabi ng senador na dapat patawan ng nararapat na parusa ang mga iresponsableng recruitment agencies at fixers at sampahan ng kaso ang sinuman sa kanilang nag-aalok ng mataas na bayad sa mga aplikante ng passport at kumukuha ng mga authentication appointment slots.
Bagama’t limitado lamang ang bilang ng mga walk-in na aplikante araw-araw para sa mga nasabing serbisyo bunsod na rin ng pinaiiral na safety at health protocols, maaari namang mag-apply sa 10 consular offices ng DFA tulad ng sa SM Megamall, SM Manila, Robinsons Star Mall, Alabang Town Center, Robinsons Place Iloilo, Ali Mall Cubao, CSI Mall sa La Union, SM City Davao, Pacific Mall Mandaue at SM Downtown Premier sa Cagayan De Oro.
“Hindi kailangang magdusa ang mga kababayan natin para lamang mabigyan ng serbisyo ng gobyerno. Karapatan nilang maserbisyuhan bilang mga taxpayers. Hindi man kasalanan ng DFA ang mga pangyayaring nasaksihan natin nitong mga nakaraang araw, mandato nila na bigyan ng tamang gabay at tagubilin ang mga aplikante nang sa gayon at maiwasan ang dagdag na gastusin at pahirap sa kanila,” paliwanag ni Gatchalian.
