Trabaho sa Ontario, Canada umuusad na — DOLE

DOLE Sec. Silvestre Bello III

NI NERIO AGUAS

Isinasaayos na ng Pilipinas ang lahat ng kailangan para sa mga Filipino na nais na magtrabaho sa Ontario, Canada.

Ito ang sinabi ng Department of Labor and Employment (DOLE) kung saan nasa tamang landas na ang Pilipinas para maisaayos ang lahat upang makarating at makapagtrabaho ang mga Pinoy sa nasabing bansa.

Sinabi ni Labor Secretary Silvestre Bello III na lumagda na ito at si Ontario Labor Minister Monte McNaughton ng Joint Communique, na kumikilala sa matibay na relasyon ng Pilipinas at ng Province of Ontario kung saan kapwa nagpahayag ng kahandaan ang dalawang opisyal na lumagda sa Memorandum of Understanding (MOU) on Labor Cooperation.

Ipinarating ni Bello ang pasasalamat kay McNaughton sa malaking oportunidad sa mga manggagawang Pinoy na makapagtrabaho sa Province of Ontario kung saan kumpiyansa ang kalihim na agad na malalagdaan ang MOU.

Pinuri rin ni Bello ang kamakailang programa ng Ontario na naglalayong magbigay sa mga manggagawang Pinoy ng kumpletong proteksyon at malaking take-home pay.  

Sa 75 porsiyentong manggagawa sa Ontario ng mga immigrants, sinabi ni Minister McNaughton na ang kanilang programa na kumikilala sa dayuhang manggagawa ay mabisang kasangkapan para mapalakas ang pag-unlad ng ekonomiya.

Kabilang dito ang Bill 27 o ang Working for Workers Act of 2021, ang Ontario Immigrant Nominee Program, at ang pagbabawas sa language proficiency requirement para sa mga internationally educated workers.

Samantala, ang  Ontario Immigrant Nominee Program ay kumikilala sa mga foreign workers na may alok na trabaho sa isang skilled occupation ang oportunidad na magtrabaho at permanenteng manirahan sa Ontario.

Ipinaabot naman ni Minister McNaughton ang pasasalamat sa kontribusyon ng mga Filipino workers hindi lamang sa Province of Ontario kundi sa buong Canada.

Pinuri rin nito ang mga Pinoy nurses na nagsilbing frontlines sa panahon ng pandemya at nagpasalamat ang Province of Ontario sa sarkipisyo at sipag sa trabaho ng mga ito.

Ang Ontario, na nasa Central Canada, ay probinsya kung saan maraming Filipinos ang naninirahan dito na nasa 337,760 ang bilang.

Leave a comment