Karapatan ng Pilipinas sa WPS ipaglalaban hanggang huling termino ni Pangulong Duterte – Sen. Go

Ni NOEL ABUEL

Tinitiyak ni Senador Christopher “Bong” Go na ipaglalaban ni Pangulong Rodrigo Duterte ang karapatan ng Pilipinas sa West Philippine Sea hanggang sa huling araw ng termino nito.

“Alam ninyo si Pangulo, ‘yung independent foreign policy niya eh friendly po ‘yan si Pangulo sa lahat, enemies to none. Pero siyempre ipinaglalaban niya po always ‘yung karapatan natin. Kita mo nagagalit ‘yan kapag inaapi na ang ating bansa,” paliwanag ni Go.

Magugunitang noong nakalipas na Marso 2, iniulat ng Philippine Coast Guard na isang  Chinese vessel ang muntik na bumangga sa BRP Malabrigo habang nagsasagawa ng maritime patrol operation sa Bajo de Masinloc.

Ayon sa PCG, ang nasabing insidente ay isinalawan bilang isang “close distance maneuvering” na naglilimita sa galaw ng BRP Malabrigo at ito ang malinaw na paglabag sa 1972 International Regulations for Preventing Collisions at Sea.

At noong Marso 14, ipinatawag ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang Chinese ambassador sa bansa upang ipaliwanag ang  “illegal intrusion and lingering presence” ng isang Chinese navy ship na nakita sa labas ng Cuyo Group of Islands malapit sa Palawan, at Apo island sa Mindoro noong Enero 29 at Pebrero  1.

Samantala, sinabi ni Go na umaasa itong malulutas ang mga claimant ng ibang bansa sa pamamagitan ng diplomatikong paraan ngunit nilinaw nito na kailangan pa ring ipaglaban ng pamahalaan ang karapatan ng Pilipinas sa territorial waters at special economic zone nito.

“So kung puwede naman pong pag-usapan… diplomatikong pamamaraan, pag-usapan na lang po natin ito. Pero importante pa rin ang ating… kung ano ang atin, atin po ‘yon, atin talaga ‘yon. Ipinaglalaban natin dapat ‘yan,” aniya pa.

Nang usisain ng mga mamamahayag si Go kung nagbigay si Duterte ng anumang tahasang tagubilin para harapin ang sitwasyon, sinabi nitong pupulungin ng Pangulo ang kanyang gabinete upang talakayin ito.

“Eh kapag interes na po ng Pilipino … ‘yung national interest, ay binibigyan po kaagad ni Pangulong Duterte ng halaga,” pagtitiyak pa ng senador.

Leave a comment