Chinese national nadakip sa pekeng pasaporte

Comm. Jaime Morente

Ni NERIO AGUAS

Naharang ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) ang isang Chinese national na nagtangkang pumuslit sa Ninoy Aquino International (NAIA) gamit ang pekeng Philippine passport.

 Kinilala ni BI Commissioner Jaime Morente ang nasabing dayuhan na nagpakilalang si Mark Anthony Cobeng, 33-anyos, na naharang bago sumakay ng isang private jet patungong Maldives.

Nabatid na napansin ni Immigration Officer Lourdes Mercado na may kahina-hinala sa biopage ng Philippine passport na ipinakita ng dayuhan kung kaya’t nang siyasatin ay napatunayang peke ito.

Dito ay nagawa pa umanong pagwala ng nasabing dayuhan kung kaya’t agad na tumugon ang mga tauhan ng Airport Police Department (APD) at ang Border Control and Intelligence Unit (BCIU) ng ahensya para masawata ito.

Nang kausapin ay napansin na hindi rin marunong magsalita ng Tagalog  o anumang lengguwaheng Pinoy ang naturang dayuhan kung kaya’t agad na inaresto.

“Upon seeing irregularities in the travel document, the officer proceeded to interview the passenger. That is when they noticed that the passenger did not even know how to speak basic Filipino words,”ani Morente.

Sinabi pa nito na ang nasabing dayuhan ay kasama ng isa pang Chinese national na kusang ipinagpaliban ang kanyang paglipad.

Babala pa ni Morente sa iba pang dayuhan na gagamit ng pekeng pasaporte na hindi magtatagumay ang mga itong makalusot dahil bihasa ang mga tauhan ng BI maliban pa sa may forensic documents laboratory ang ahensya.

Leave a comment