COA sa Ombudsman: Imbestigahan ang P21M SSS contract

Ni NOEL ABUEL

Binawi ng Commission on Audit (CAO) ang notice of disallowance na inilabas noong 2012 laban sa P21.63 milyong janitorial contract ng Social Security System (SSS) sa pagitan ng Abril 2011 hanggang Marso 2012 sa kabila ng natuklasang iregularidad.

Gayunpaman, sa anim na pahinang desisyon, inatasan ng COA Commission Proper ang Prosecution and Litigation Office na i-turnover ang audit records sa Office of the Ombudsman para imbestigahan kung ang mga opisyales ng SSS na nagrepaso at nag-apruba sa kontrata ay dapat na humarap sa mga kasong kriminal para sa kanilang partisipasyon.

Sinabi ng COA na ang kontrata na iginawad sa Ultimate Care Janitorial Services noong Marso 1, 2011 ay maanomalya sa kadahilanang nilabag nito ang probisyon ng RA 9184 o ang Government Procurement Reform Act sa simula pa lamang.

Tinukoy na ang bidder ay dapat na nagsumite ng kopya ng nag-iisang  pinakamalaking proyekto nito sa loob ng dalawang taon ng Hunyo 3, 2010 subalit nagsumite ang kontratista at nagtapos noong Marso 2008 o sa lagpas na ng dalawang taon.

Gayundin, sa ilalim ng Revised Implementing Rules and Regulations (RIRR) ng RA No. 9184 ang bidder ay dapat na magsumite ng katibayan na ito ay sumunod sa regular na pagpapadala ng remittance ng social security (SS) at employee’s compensation (EC) contributions.

“The SSS clearance submitted by Ultimate Care as required in Bid Bulletin No. 1, at the time of its issuance on June 8, 2010, contained false information,” sabi ng state auditors.

Ang reklamo na isinampa ng mga empleyado ng kontratista ay nag-udyok na muling magsagawa ng re-assessment na nagsiwalat na ang Ultimate Care ay mayroong pagkukulang na aabot sa P716,169.81 para sa panahon ng sumasaklaw sa Setyembre 2006 hanggang Disyembre 2010.

“In view of the foregoing, Ultimate Care should have been declared disqualified and should not have been awarded the contract,” ayon pa sa COA.

Sa kabila ng natuklasang ito, sinabi ng COA na ang kontratista ay may karapatan sa pagbabayad sa kadahilanang naihatid nito ang mga obligasyon nito sa ilalim ng kontrata.

“Nevertheless, based on the time-honored principles of unjust enrichment and quantum meruit, Ultimate Care is entitled to payment for its services notwithstanding its violation of RA No. 9184 and its RIRR,” sabi ng COA.

Kabilang sa may pananagutan sa ilalim ng notice of disallowance sina dating resident and CEO Emilio De Quiros Jr.; Social Security Commission chair Juan Santos at mga miyembrong sina Eliza Bettina Antonino, Rosalinda Baldoz, Daniel Edralin, Bienvenido Laguesma, Ibarra Malonzo, Marianita Mendoza, at Diana Pardo-Aguilar; Bids and Awards Committee chair Amador Monteiro, vice chair Marissu Bugante, at miyembrong sina Marianito Pablo Tolentino, Emmanuel Trinidad, at Alfredo Villasanta; SSS managers Belinda Ella, Marissa Tizon, at Jesse Caberoy; at payee Ultimate Care.

Ngunit sinabi ng COA na si Laguesma ay dapat na hindi maisama sa kadahilanang naupo ito sa posisyon matapos maaprubahan ang janitorial contract.

Gayundin, si Accounting Department manager Ella ay pinawalang sala dahil sa ang partisipasyon nito sa pagsertipika sa pondo ng kontrata ay isa lamang ministerial.

“The Prosecution and Litigation Office (PLO) is directed to forward the case to the Office of the Ombudsman (OMB) for investigation and filing of the appropriate charges, if warranted, against the persons liable for the ND, except Commissioner Bienvenido E. Laguesma and Ms. Belinda B. Ella,” sabi pa ng COA.

Leave a comment