
Ni NOEL ABUEL
Isinusulong ni dating House Speaker Alan Peter Cayetano ang panukalang batas na nag-uutos sa mga ahensya ng gobyerno na magtabi ng hindi bababa sa limang porsyento ng kanilang budget para makalikom ang pamahalaan ng P250 bilyon na magagamit sa pagbibigay ng direktang ayuda sa milyun-milyong pamilyang Pilipino.
Nakasaad sa House Bill No. 10832 o ang “Mandatory Savings Act of 2022” na inaatasan ang lahat ng kagawaran ng pamahalaan, mga kawanihan, opisina, ahensya, government financial institutions (GFIs), at instrumentalities pati na ang government-owned or controlled corporations (GOCCs) na magtabi ng limang porsyento ng kanilang budget bilang savings sa pamamagitan ng pagtanggal sa mga aktibidad at programa na hindi esensyal sa kanilang paggana.
Ang naturang panukalang batas ay inihain ni Cayetano noong Marso 31, 2022 kasama ang misis nitong si Taguig 2nd District Rep. Lani Cayetano, Camarines Sur 2nd District Rep. Luis Raymund “Lray” Villafuerte Jr., Batangas 2nd District Rep. Raneo Abu, at Laguna 1st District Rep. Dan Fernandez.
“Basically, it’s a legislative authority mandating a five-percent savings then allowing the government the flexibility na gamitin ‘to sa mga darating na pagsubok,” ani Cayetano sa isang press conference noong Marso 31, 2022.
Ayon sa naturang panukalang batas, noong 2020 bumulusok ng 9.5% ang Gross Domestic Product ng bansa, samantalang tumaas naman ng 17.7% ang unemployment rate na katumbas ng 7.3 milyong Pilipino na nawalan ng trabaho, ang pinakamataas na bilang sa loob ng 15 taon.
Nakasaad pa sa panukalang batas na noong Agosto 2021, humarap ang bansa sa inflation rate na 4.9%, na siyang pinakamabilis na pagtaas ng presyo ng bilihin sa loob ng dalawang taon.
Inilalatag ng HB 10832 ang five percent mandatory savings sa lahat ng ahensya ng gobyerno upang makabuo ng halagang inaasahang aabot ng P250 bilyon upang pondohan ang ayuda sa mga Pilipinong pilit bumabangon mula sa mga epekto ng pandemya sa kanilang kabuhayan.
Sa panukalang batas ang streamlining o ang pagtukoy sa mga aktibidad ng gobyerno na makikitang hindi esensyal sa paghahatid ng serbisyo-publiko.
Maaaring baguhin ang saklaw ng mga ito o di kaya’y tanggalin nang tuluyan, batay sa mga civil service rules at mga regulasyon.
Sinabi ni Cayetano na “napaka-flexible” ng P250 bilyon na inaasahang malilikom dahil sa Mandatory Savings Bill, at maaari aniya itong gamitin upang tugunan ang pangangailangan hindi lamang ng 20 milyong pamilyang Pilipino na maaaring maabutan ng ayuda kundi pati rin ang pangangailangan ng partikular na mga sektor tulad ng transportasyon, agrikultura, kalusugan, mga senior citizen at mga mahihinang indibidwal, at mga micro, small and medium enterprises (MSMEs).
“This is not a dole-out, this is actually kick starting ‘yung small businesses,” sabi pa ni Cayetano.
