
Ni NOEL ABUEL
Muling binuhay ni dating House Speaker Alan Peter Cayetano ang panawagan nitong paglaanan ng pondo ang pagpapahusay ng crime laboratory services at pasasanay ng mga imbestigador sa ibang bansa sa gitna ng imbestigasyon sa nawawalang 34 indibiduwal na sangkot sa operasyon ng e-sabong.
Ito ang sinabi ni Cayetano bilang tugon sa nangyayaring imbestigasyon ng Senado na nagpapahirap kung sino ang nagsasabi ng katotohanan sa pagkawala ng mga sabungero.
“Pag nanood ka ng Senate hearing, ang sabi ni Mr. Ang, conspiracy [ang pagturo sa kanya]. Nanood ka ulit, ‘yung iba tinuturo [naman siya]. Sa totoo lang, hindi natin alam kung sino’ng nagsasabi ng totoo,” sabi ni Cayetano sa panayam ng mga mamamahayag.
Sa pagdinig ng Senado, natuklasan na karamihan sa mga nawalang mga sabungero ay mula sa tatlong sabungan na pag-aari ng negosyante at gaming operator Charlie “Atong” Ang, may-ari ng Lucky 8 Star Quest Inc.
Dito ay itinuro ni Ang ang iba pang e-sabong operators na nagsasabwatan umano laban sa kanya dahil sa inggit sa malaking kita nito sa e-sabong.
Paliwanag ni Cayetano, madaling mareresolba sana ang masalimuot na usapin ng e-sabong kung maayos at modernize ang crime laboratories sa buong bansa.
Sa kasalukuyan, ang PNP Forensic Group ay mayroong limang district crime laboratory offices sa National Capital Region, 16 regional, at 101 provincial.
Paliwanag pa ni Cayetano, bagama’t mahalaga ang testimonya ng mga testigo, ang forensic evidence ay mas binibigyan ng halaga ng korte.
Taong 2018, nang maging senador si Cayetano, ay naglaan ito ng P50 milyon para sa pagbili ng state-of-the-art equipment sa Regional Crime Laboratory Office (RCLO) 11 sa Davao.
Nanindigan si Cayetano na tutol ito nag awing legal ang online sabong, suportado nito ang Senado na pansamantalang isuspende ang opertasyon ng e-sabong habang ang imbestigasyon sa mga nawawalang sabungero.
“Tama ‘yung track ng Senate eh: tigil muna ‘yan. Kasi kapag nag-dry up ‘yung pera, magkakaturuan na ‘yan kung sino talaga eh… Baka isang linggo lang may pipiyok na ‘yan eh,” sabi nito.
