
Ni NOEL ABUEL
Umapela si Senador Christopher “Bong” Go sa susunod sa uupong lider ng bansa na sundin ang mga polisiya at inisyatiba na inimplementa ng administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte upang mas marami pang mahihirap ang matulungan.
Sa isang ambush interview matapos magbigay ng tulong sa mga residente ng Island Garden City of Samal sa Davao del Norte, hinimok ni Go ang susunod na administrasyon na panatilihin ang mga serbisyo publiko na naglalayong magbigay ng komportableng buhay para sa lahat ng Filipino tulad ng pangangalaga sa kalusugan.
“So, ako pakiusap ko lang sa next president, bigyan ninyo ng priority at tulungan ninyo ang ating healthcare services lalo na ‘yung mga mahihirap na walang malapitan. Ngayon, itong Malasakit Center, batas na ito at pirmado ni Presidente Duterte at mandato ng Malasakit Centers Act ay maglagay ng Malasakit Center sa mga DOH-run (Department of Health) hospital, government hospital, basta sumunod lang sila sa criteria set by the law,” paliwanag ng senador.
Hinikayat din ni Go ang susunod na lider ng bansa na patuloy na palawakin ang bilang ng mga Malasakit Center sa buong bansa na sinasabing ito ay para sa ikabubuti ng lahat ng Filipino.
“Ngayon, ‘yon ang sasalo sa mga pasyente at ang pakiusap ko lang sa mga kasamahan ko sa gobyerno at sa susunod na administrasyon, kung makatulong itong proyekto o makatulong itong Malasakit Center, ipagpatuloy ninyo lang ang pagsuporta dahil para naman ito sa Pilipino, tulong ito para sa mga Pilipino, sa mga mahihirap,” sabi ni Go.
Sa kabilang banda, dapat din aniyang tulungan ng taumbayan ang susunod na Pangulo ng bansa upang matulungan ang pag-angat sa buhay ng mga mahihirap.
“Ang gobyerno ni Presidente Duterte ay para sa mga hopeless, sa mga helpless. Kaya ako ang pakiusap ko lang, tulungan natin at sa next administration magtulungan lang tayo para sa ikaayos at makakatulong sa mga mahihirap,” ayon pa kay Go.
