CPP-NPA kinastigo ng senador: ‘Magbalik-loob na lang kayo!’

Senador Christopher “Bong” Go

Ni NOEL ABUEL

Binatikos ni Senador Christopher “Bong” Go ang Communist Party of the Philippines (CPP) sa hindi pagtulong sa pamahalaan na magkaroon ng katahimikan sa bansa at mas nais pa nitong maghasik ng kaguluhan.

Tugon ito ng senador sa pahayag ng CPP sa armadong grupo nitong New People’s Army (NPA) na mas paigtingin ang recruitment nito kasabay ng ika-53rd founding anniversary nito noong Marso 29.

“Mayroon lang akong pakiusap, imbes na mag-recruit kayo gawin ninyo na lang ay magbalik-loob na lang kayo sa gobyerno. Mayroon namang programa si Presidente Rodrigo Duterte ang ELCAC, tulong ng mga barangay para ma-encourage ang mga barangay na dumami pa ang mga barangay na ma-insentibo. So ako diyan as a senator, tutulong ako para sa ikaayos ng lahat, peace ang sagot ko,” giit ni Go.

Taong 2018, nang ilabas ng Pangulo ang Executive Order No. 70 na bumubuo sa National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) para magsilbing ahensya ng pamahalaan na magsusulong ng whole-of-nation approach para maabot ang katahimika sa bansa.

Ang whole-of-nation approach sa ilalim ng EO ay tumutugon sa ugat ng kaguluhan at tensyon, at iba pang aramdong tunggalian at banta sa bansa sa pamamagitan ng pagtutuon sa mahusay na paghahatid ng pangunahing serbisyo at social development packages ng pamahalaan.

“Alam ninyo, matagal na itong problema sa NPA sa insurgency. Fifty years na wala pa ring nangyayari. Mayroon tayong programa sa gobyerno na magbalik-loob sa gobyerno, tutulungan kayo ng gobyerno bibigyan kayo ng pabahay at livelihood. Puntahan ninyo lang kami,” apela pa ng senador.

“Mag-usap na lang tayo, ayaw ko ng patayan. Sino ba ang gustong magpatayan? Pilipino laban sa Pilipino, malungkot diyan sa bukid. Mga kababayan ko, huwag na kayong magdagdag. Imbes na mag-recruit kayo, pumunta na lang kayo dito. Tumulong na lang tayo sa gobyerno,” dagdag pa ni Go.

Leave a comment