
Ni NOEL ABUEL
Siniguro nina Lakas-Christian Muslim Democrats (CMD) vice presidential candidate Davao City Mayor Sara Duterte at presidential tandem nitong si dating Senador Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na ipaprayoridad ng mga ito ang implementasyon ng Department of Migrant Workers para makatulong sa mga overseas Filipino workers (OFWs).
“Titiyakin natin na protektado ang mga OFWs sa mga bansang kanilang pinagtatrabahuan. Ang mga embahada at konsulado ay gagabay, tutulong at magbibigay ng kasiguraduhan na natatanggap ng mga OFWs ang tamang sahod at benepisyo mula sa kanilang mga employers at nabibigyan sila ng proteksyon laban sa abuso,” sabi ni Duterte.
Sinabi pa nito na makakaasa ang mga OFWs na gagawin lahat ng UniTeam para maisulong ang kaparatan at tagumpay ng mga manggagawa sa ibang bansa.
“Dahil ramdam ng UniTeam ang inyong mga suliranin, pangangailangan at damdamin. Makaka-asa ang lahat ng OFWs na kaagapay ninyo kami sa pagsusulong ng inyong mga karapatan at tagumpay. Upang mapadali ang katuparan ng inyong pangarap at ng inyong mga pamilya na darating ang araw na hindi na kayo, tayo magkakawalay pang muli,” sabi pa ng alkalde ng Davao.
Ginawa ng Uniteam ang pahayag sa hybrid “miting de avance” sa pamamagitan ng zoom sa mga OFWs sa iba’t ibang bahagi ng mundo sa grand ballroom ng Hilton Manila sa Pasay City.
Sinabi pa ni Duterte na personal nitong isusulong ang pagkakaroon ng trabaho ng mga Filipino sa bansa upang hindi na mangibang bansa ang mga ito.
“We look forward to the operationalization of the Department of Migrant Workers. Ang aking personal na isusulong — trabaho para sa maraming Pilipino. Naniniwala ako na kung mayroong sapat na trabaho sa ating bansa, mas pipiliin ng mga Pilipino na manatili dito kaysa makipagsapalaran pa sa ibang bansa,” sabi ni Duterte na tinukoy ang Department of Migrant Workers Act sa ilalim ng Republic Act (RA)11641.
Sa dalawang taong transition period, iginiit ni Duterte sa POEA na agarang gumawa ng solidong implementing rules and regulations (IRR) nnaa sumasaklaw sa lahat ng mandato at tungkulin ng bagong departamento lalo na sa pagpapatupad ng maayos na programa at patakaran sa kapakanan ng mga OFWs.
Kailangan din aniya ng sapat na pondo para sa pagpapatupad ng Department of Migrant Workers upang higit pang mapangalagaan ang kapakanan ng mga OFWs at kanilang pamilya.
