Lacson-Sotto suportado ng mga dating heneral ng PMA

Ni NOEL ABUEL

Umani ng suporta si independent presidential candidate Senador Ping Lacson mula sa kanyang mga dating kasama sa Philippine Military Academy (PMA) at kaibigan sa kasagsagan ng kampanya.

Nagpalabas ng manifesto of support na nilagdaan ng mahigit 100 miyembro ng Lacson-Sotto Support Group (LSSG), na kinabibilangan ng retired Generals at alumni ng Philippine Military Academy, na Alma Mater ni Lacson.

“It is an understatement to describe the event — ‘emotionally uplifting and inspiring to watch our cavaliers and friends display their sincere and all-out show of support and unequivocal commitment to our shared advocacy for the betterment of our country and people,'” ani Lacson.

“Truth to tell, it actually hit my emotion deeply while listening and watching the replay of the event on Facebook. Maraming maraming salamat po sa inyong lahat!” dagdag nito.

Sinabi ni Lacson na mas nakakapagpalakas ng kanyang loob ang mga nabasa nitong pahayag ng suporta mula sa kanyang kasamahan sa PMA at mga kaibigan kabilang na rito sina dating Department of Information and Communications Technology Sec. Eliseo Rio, dating Bureau of Land Transportation (ngayo’y Land Transportation Office) head Col. Mariano Santiago, at retired M/Gen Carlos Tañega; dating Department of National Defense Undersecretary Honorio Azcueta at dating opisyal ng gobyerno kabilang na sina dating Defense Secretary Orlando Mercado at Bureau of Internal Revenue chief Atty. Kim Henares.

Sinabi ni Rio na hindi dapat sayangin ng mga botante ang kanilang boto sa mga hindi karapat-dapat na kandidato habang sa parte naman ni Acop, mariin nitong sinabi na patuloy ang kanilang suporta kay Lacson.

Lumagda sa isang manifesto ang mga Cavaliers at mga kaibigan ni Lacson na nagpapahayag ng suporta sa kanyang kandidatura dahil sa mga sumusunod na dahilan kabilang ang track record ni Lacson bilang law enforcer kung saan marami itong ipinaaresto na kriminal at mga korap na indibidwal; at dahil sa kanyang tapat na pagsunod sa Code of Honor na natutunan niya sa PMA.

Gayundin, matindi ang tindig nito laban sa kurapsyon at hindi pagtanggap sa kanyang pork barrel allocations; sa kanyang pakikipaglaban sa soberanya sa West Philippine Sea at sa pagbisita nito sa Pagasa Island para makita nang personal ang sitwasyon sa lugar.

Patuloy na nakikipag-usap sina Lacson at ang kanyang ka-tandem na si Senate President Vicente “Tito” Sotto III upang maiparating ang kanilang mensahe direkta sa tao.

Para sa Lacson-Sotto tandem, kailangan nang matuto ng taumbayan na magdesisyon para sa sarili nila at huwag sayangin ang kanilang boto sa mga hindi kwalipikadong kandidato. Anila, hindi dapat nila sayangin ang kanilang boto at piliin ang kandidato na may sapat na karanasan at integridad sa serbisyo publiko.

Leave a comment