Smuggling itinurong sanhi ng bird flu outbreak

Ni NOEL ABUEL

Sinisisi ng isang kongresista ang Bureau of Customs (BoC) sa talamak na smuggling ng agricultural at poultry products na dahilan upang kumalat ang bird flu outbreak sa bansa.

Ayon kay House Deputy Minority Leader at Magsasaka party list Rep. Argel Cabatbat, naniniwala itong ang smuggling nang ugat ng pagkakaroon ng nakamamatay na bird flu outbreak ngayon sa iba’t ibang bahagi ng bansa.

Kamakailan ay nagdeklara ng outbreak ang Department of Agriculture (DA) dahil sa mga kaso ng Avian Influenza (AI) H5N1 sa duck at quail farms sa Bulacan, Pampanga, Laguna, Camarines Sur, Nueva Ecija, Bataan, Tarlac, Sultan Kudarat at Benguet.

Nag- isyu na rin ang ahensya ng memorandum orders na nagbabawal sa pagpasok ng domestic at wild birds mula sa mga bansang may kaso ng bird flu.

Inilahad ni Cabatbat ang ilang insidente na maaaring nagpapasok ng mga sakit na panghayop sa Pilipinas.

Magugunitang noong Oktubre 2019, nasabat ng Bureau of Customs ang dalawang containers ng puslit na pork at meat products galing China na nagkakahalaga ng P3.5 milyon.

Kalaunan, napag-alamang kontaminado ito ng African Swine Fever (ASF) at noong Mayo naman ng 2021, frozen meat at assorted agri-fishery products na nagkakahalaga ng P100 milyon ang nakumpiska sa Navotas City, at halos kalahati ay ASF-infected din.

Paliwanag ni Cabatbat, ilan lang ito sa nahuli.

“Paano ‘yung mga produktong hindi nasabat, o hindi man lang nai-report? Nanggaling na mismo sa DA na nasa P650 milyon ang halaga ng naharang na smuggled items simula  April 2021. Sigurado, may kasamang poultry products diyan,” paliwanag pa ng mambabatas.

“Klaro naman ang Food Safety Act of 2013 at Customs Modernization and Tariff Act: Bawal ang imports kung walang maayos na sistema sa port of first entry pa lang. Lahat ng papasok na shipment dapat binubusisi – inspeksyon, clearance, quarantine. Kalusugan ng konsyumer ang pinag-uusapan dito. Dapat ligtas ang pagkain. Iba pa ‘yung dulot na perwisyo ng imports sa mga magsasaka at mangingisda na hirap makipagsabayan sa murang presyo ng mga produktong ‘yan,” dagdag pa ni Cabatbat.

Sa kasalukuyan ay wala pa aniyang naitatayo ang DA na first commodity examination facility for agriculture.

Layon nitong isalang ang lahat ng papasok na food at agricultural products sa 100% sampling at laboratory testing.

Noong Mayo 2020, naghain na si Cabatbat ng House Resolution 824 upang imbestigahan ang naiulat na bird flu outbreak sa Jaen, Nueva Ecija, at tanungin kung handa ba ang pamahalaan na mapigilan ang pagkalat nito.

At matapos ang isang taon, iniakda rin nito ang House Resolution 2282 para siyasatin ang border inspection facilities ng bansa upang masawata ang smuggling ng gulay at iba pang agri products sa bansa.

Leave a comment