DOLE pinuri ng COA

NI NERIO AGUAS

Binigyang pagkilala ng Commission on Audit (COA) ang mga programa ng Department of Labor and Employment (DOLE) na tumutugon sa pangangailangan ng mga senior citizens at persons with disabilities (PWDs) para sa taong 2021.

Sa audit observation memorandum na inilabas kamakailan, kinilala rin ng state auditor ang employment facilitation ng DOLE sa 3,176 PWD at 74,361 senior citizens.

Kasama rin sa tinukoy COA ang suporta ng DOLE sa paglahok ng mga matatanda at mga may kapansanan sa mga aktibidad ng unyon na nagtala ng halos 30 porsyentong sectoral representation sa National Tripartite Industrial Peace Council (NTIPC).

Sa ilalim ng programang labor relations ng ahensya, 15,779 opisyal at miyembro ng unyon, kabilang ang mga senior citizens at PWDs, ang nabigyan ng pagsasanay sa ilalim ng Workers Organization and Development Program (WODP).

Binanggit din ng COA ang mga gawain ng DOLE para matulungan ang mahigit 1 milyong manggagawa, employer, at graduating student, kabilang ang mga senior citizen at PWD, sa pamamagitan ng Labor and Employment Education Services nito.

Sa ilalim ng DOLE Integrated Livelihood Program, may kabuuang 558 PWDs at 1,475 senior citizens ang nabigyan ng tulong-pangkabuhayan na nagkakahalaga ng P9.5 milyon at P23 milyon.

Kinilala rin ng COA ang programang Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disdvantaged/Displaced Workers (TUPAD) ng DOLE kung saan natulungan ang 2,791 PWDs at 53,837 senior citizens na tumanggap ng kabuuang P16 milyon at P258 milyong tulong-pinansiyal.

Binigyan-pansin din ng COA ang serbisyong legal ng Kagawaran kung saan 49 senior citizen at anim na PWD ang natulungan ukol sa usapin sa trabaho at iba pang isyu sa paggawa sa pamamagitan ng DOLE-Public Assistance and Complaints Unit.

Pinuri ng COA ang mga aktibidad ng DOLE para sa pampublikong kamalayan, tulad ng paglalathala ng mga balita sa pahayagan at online media, para sa “paglikha ng kamalayan sa mga programang makatutulong para sa mga senior citizen at PWD sa gitna ng pandemya.”

Sa pamamagitan ng Audit Observation Memorandum No. 2022-09, kinilala ng COA ang pagsunod ng Kagawaran sa Section 33 ng General Provisions ng Republic Act No. 1158 o ang General Appropriations Act para sa Fiscal Year 2021.

Hinikayat ni Bello ang iba’t ibang mga serbisyo, kawanihan, at rehiyonal na tanggapan ng Kagawaran na patuloy na palakasin ang pagpapatupad ng mga programa at serbisyo nito at tiyakin na ito ay inklusibo para sa mas mabisang pagtugon sa mga pangangailangan ng mga senior citizens at PWDs.

Leave a comment