Korean swindler arestado ng BI sa Cebu

NI NERIO AGUAS

Bumagsak sa kamay ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) ang isa namang Korean national na sangkot sa investment scheme.

Kinilala ni Immigration Commissioner Jaime Morente, ang nadakip ng mga tauhan ng  fugitive search unit (FSU) na si Jun Myung Ho, 51-anyos, sa tahanan nito sa Banilad, Cebu at isa nang overstaying sa bansa.

Nabatid na ang pag-aresto sa nasabing dayuhan ay isinagawa sa tulong ng Korean authorities at ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) Regional Field Unit 7.

Armado ang mga operatiba ng BI-FSU ng mission order na inilabas ni Morente base sa hiling ng South Korean authorities sa Manila na dakpin si Jun lalong madaling panahon upang papanagutin sa pagkakasala nito sa Sokor.

Sa record ng BI, natuklasan na apat na taon nang nagtatago sa Pilipinas ang nasabing dayuhan na unang dumating noong Pebrero 2018 para takasan ang korte ng South Korean hanggang sa ilagay ang pangalan nito sa red notice ng Interpol.

Naglabas ng arrest warrant ang Daegu district court sa South Korea noong Disyembre 2018 kaugnay ng kinasasangkutan nitong katiwalian at paglabag sa Criminal Act of the Republic of Korea.

Base sa datos ng Interpol’s national central bureau (NCB) sa Manila, natuklasan na si Jun ay nagawang maloko ang mga kababayan nito sa pamamagitan ng pagkukunwang kinontrata ito para mag-operate ng cogeneration plant facility sa Orion, Bataan kung saan nagawa nitong makatangay ng mahigit sa 380 million Korean Won, o katumbas ng US$312,000.

Pansamantalang nakadetine sa CIDG Regional Field Unit 7, sa Camp Sotero Cabahug, Cebu City ang nasabing dayuhan habang inihahanda ang paglilipat nito sa BI detention facility sa Taguig City kung saan isasailalim sa deportation proceedings para maitapon pabalik ng Sokor.

Leave a comment