
Ni NOEL ABUEL
Pinuri ni Senador Christopher “Bong” Go ang tuluyang pagresolba sa hidwaan sa pagitan ng Philippine Athletics Track and Field Association (PATAFA) at ng pole vaulter na si Ernest John “EJ” Obiena sa tulong ng Philippine Sports Commission (PSC).
Ayon sa senador, mahalaga na agad na natapos ang hindi pagkakaunawaan ng magkabilang panig dahil sa naniniwala ito na ang sports ay paraan para magkaisa ang lahat ng Filipino at hindi para makawat-watak.
“I commend and thank the PSC, PATAFA and EJ Obiena for finally resolving the issues,” saad ni Go.
Marso 30 nang ideklara ng PSC na nagkasundo na si Obiena at ang PATAFA at pormal na inendorso ang una para makalahok sa 2022 World Outdoor Athletics at sa 2022 Southeast Asian Games.
“Both parties have assured each other of forgiveness, to start afresh and move on,” sabi ni PSC chairperson William Ramirez.
Sinabi ni Go na ngayong natapos na ang problema ni Obiena ay maaari na nitong ituloy ang pagsasanay para idepensa ang titulo nito at ang gold record sa darating na 31st Southeast Asian Games sa Vietnam sa susunod na buwan.
Habang ang PATAFA ay makakapag-concentrate na sa mga programa nito para sa mga Filipino athletes.
“Ngayon makapag-focus na si EJ Obiena sa mga darating ng mga kompetisyon at patuloy ring maipapatupad ng PATAFA ang iba’t ibang programa nito para sa ating mga atleta,” sabi ni Go.
“Sa panahong karangalan ng ating bansa ang nakasalalay, pinakamahalaga ay ang pagkakaisa natin at buong suporta ng sambayanang Pilipino upang muling maiwagayway ang bandila ng Pilipinas sa mga pandaigdigang kompetisyon,” dagdag pa nito.
Binigyan-diin pa nito na hindi dapat maging hadlang ang pulitika sa pag-unlad ng palakasan ng bansa at sa kapakanan ng mga atleta .
“Kaya nakikiusap ako sa lahat na isantabi na muna ang pansariling interes at resolbahin ang mga hindi pagkakaunawaan alang-alang sa bansang ating nirerepresenta sa bawat laban. Huwag na sana haluan ng pulitika ang sports dahil walang panalo sa hidwaan na ito,” apela pa ng senador.
