2 wanted na Korean nationals arestado sa telco fraud

Ni NERIO AGUAS

Arestado ang dalawang Korean nationals na pawang sangkot sa telecommunications fraud sa isinagawang operasyon ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) sa Pasay City.

Kinilala ni BI Commissioner Jaime Morente ang dalawang dayuhan na sina Han Sangkyung at Jo Sunglae, kapwa 35-anyos, na nadakip ng mga operatiba ng bureau’s fugitive search unit (FSU) noong nakalipas ng Linggo sa Pasay City.

Ayon kay BI-FSU acting chief Rendel Ryan Sy, sina Han at Jo ay pawang wanted sa bansa nito at nakatala sa red notice ng Interpol kung saan may arrest warrants na inilabas laban sa mga ito ng Korea courts.

Sa record ng BI, dumating sa bansa Han noong Pebrero 2016 at mula noon ay nagtago na habang si Jo ay limang taon nang nagtatago sa bansa matapos dumating sa Pilipinas noong Hulyo 2017. 

Base sa impormasyon mula sa Interpol’s national central bureau (NCB) sa Manila si Han ay wanted dahil sa telecom fraud syndicate kung saan nakatangay ito ng mahigit sa  80 million Korean won o katumbas ng US$66,000 mula sa mga kababayan nito.

Samantala, si Jo ay natuklasang miyembro rin ng isa pang voice phishing syndicate na tumangay sa mahigit 52.5 million won o katumbas ng US43,200 mula sa naging biktima nito sa Sokor.

Ayon kay Morente si Han ay  agad na ipatatapon pabalik ng Korea base na rin sa inilabas na deportation order ng BI noong 2017 habang si Jo ay sasailalim sa deportation proceedings ng BI legal division dahil sa pagiging overstaying.

“The two of them will be expelled, blacklisted and banned from re-entering the country for being undesirable aliens,” sabi ni Morente.

Kasalukuyang nakadetine sa BI warden facility sa Camp Bagong Diwa, Taguig City ang dalawang  Korean nationals.

Leave a comment